Guilty sa karahasan sa misis at anak EX-INC MEMBER HINATULAN NA NG KORTE

HINATULAN na ng Quezon City court ang tiniwalag na kasapi ng Iglesia Ni Cristo na tumakas patungong Canada habang nahaharap sa serye ng mga kasong kriminal sa Pilipinas kaugnay ng violence against women and children (VAWC) sa ilalim ng RA 9262.

Si Rovic Canono ay pinatawan ng korte ng apat na taong pagkakakulong dahil sa nasabing kaso.

Sa 13-pahinang desisyon na inilabas noong nakaraang buwan, si Canono ay hinatulang nagkasala ni RTC QC Judge Jacqueline Martin-Balictar nang walang makatuwirang pagdududa sa maraming beses nitong physical and psychological na pang-aabuso sa kanyang asawa, isang medical doctor at kanilang menor de edad na anak na babae.

Ang verbal at physical na pang-aabuso ni Canono, ayon sa desisyon, ay nagsimula sa mismong araw ng kasal ng mag-asawa, pagkatapos ng reception ceremony nang tawagin niya ang asawa na “Pangit ka, laki ng ilong mo!” at paulit-ulit siyang sinisigawan na mataba at “tae, walang kuwenta.”

Ang korte ay gumawa ng mahabang listahan ng instances of violence, tulad ng pagsampal ni Canono sa asawa sa loob ng kanilang sasakyan habang siya ay limang buwang buntis sa kanilang anak, sumisigaw ng “gusto mo patayin ko yang anak mo!” habang pauwi sila galing sa check-up sa ospital.

Ang anak na babae ng mag-asawa ay nasampal at bumagsak sa lupa sa maraming pagkakataon dahil madalas naiinis sa kanya si Canono, ayon sa hiniwalayan niyang asawa at mga testigo na nagpatotoo sa paglilitis ng korte.

Ang mararahas na kilos ni Canono ay umabot pa sa pamilya ng asawa nito, nabanggit sa desisyon, na nangyari ang insidente nang siya at isang kaibigang lalaki ay binugbog ang kanyang biyenan, na kanilang iniwang nakahandusay sa sahig sa labas ng condominium ng huli.

Bukod sa physical and verbal abuse, si Canono ay may kinakasama ring babae na nakatira sa bahay ng kanyang mga magulang at ipinakilala sa lahat ng dating kasapi ng INC bilang “kasintahan”.

Ang nahatulang kriminal ay tumakas sa bansa bago pa man magsimula ang pagdinig sa korte, na nag-udyok sa korte na magsagawa ng trial in absentia.

Si Canono ay nauna nang napatunayang nagkasala ng concubinage noong 2019 sa magkakahiwalay na kaso sa ibang nakarelasyon nito at idineklara ng trial court na siya’y may pananagutan sa “engaging in sexual intercourse under scandalous circumstances” na pinatunayan ng isang kasambahay.

Nahaharap pa rin si Canono sa ilang aktibong kaso ng libel sa iba`t ibang local jurisdictions sa Pilipinas.

Si Canono ay naging tanyag noong 2015 nang siya at ang kapwa itiniwalag na miyembro ng INC na si Lowell Menorca ay naglabas ng diumano’y irregular activities ng homegrown Filipino church.

Naakusahan din si Menorca ng kasong libelo kabilang ang isang babaeng nagngangalan na Aedtnavye Lazo sa kinasasangkutan nitong kaso ng pangangalunya.

Ang magkasabwat ay hinuli ng mga awtoridad sa Cebu noong nakaraang taon dahil sa pagkabigong humarap sa korte.

Pareho silang naglagak ng piyansa habang nagpapatuloy ang mga kasong kriminal at palihim na tumakas papuntang Canada.

Si Menorca ay dumating noong 2017 at sumunod si Canono matapos makumbinsi ng una.

Matapos ang promulgasyon ng hatol sa VAWC case ay natutuwa ang dating asawa ni Canono na nakamit na ang hustisya “para sa kaniya at sa kaniyang naabuso at emotionally-scarred na anak” ngunit pinagdiinan na ang mapang-abuso at taksil na asawa ay “hindi tunay na lalaki na kayang harapin ang kahihinatnan ng kanyang ginawang krimen.”

225

Related posts

Leave a Comment