PATULOY ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga sangkot sa ‘pastillas scam’ ng Bureau of Immigration (BI) kahit sinampahan ng mga kasong kriminal ang immigration officers na napatunayang mayroong partisipasyon sa naturang porma ng korapsyon.
Ngunit, walang inilalabas sa media ang NBI, o kahit ang Department of Justice (DOJ), hinggil sa imbestigasyon laban sa mga ‘utak’ at ‘protektor’ ng sindikatong nagpapatakbo ng diskarteng pastillas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pastillas ang itinawag sa tarang P5,000 pataas na ibinabayad ng mga Intsik na dumadaan sa tanggapan ng BI sa NAIA dahil ang nasabing pera ay ibinabalot sa papel na mistulang pastillas.
Batay sa lumabas na datos sa imbestigasyon sa Senado, umabot sa P40 bilyon ang kinita ng ‘Pastillas Gang’ sa BI mula nang ikinasa ang pangingikil na ito noong 2017.
Mula sa P40 bilyon, pinaniniwalaang P30 bilyon ang pumasok sa utak (mastermind) ng grupo.
Ang P10 bilyon ay napunta sa ilang opisyal ng BI, batay sa impormasyong inilabas sa Senado.
Lumutang sa imbestigasyon ng Senado na utak umano ng pastillas scam si Red Marc Mariñas, base sa impormasyong galing kay Immigration Officer II Jeffrey Dale Ignacio. Itinanggi naman ni Mariñas ang paratang.
Si Mariñas ay nagbitiw sa pagiging hepe ng Port Operations Division (POD) ng BI ilang buwan bago mag-eleksyon noong 2019 dahil naghanda siya sa kanyang pagtakbo sa pagka-alkalde ng lungsod ng Muntinlupa ngunit natalo.
Itinalaga si Mariñas bilang hepe ng POD ng BI noong si Atty. Vitaliano Aguirre pa ang kalihim ng DOJ noong Hulyo, 2016.
Ipinuwesto rin ni Aguirre ang tatay ni Mariñas na si Maynardo Mariñas bilang hepe ng Special Operations Communications Unit (SOCU) ng BI noon ding Hulyo, 2016.
Batay sa rekord ng DOJ, naglabas ng Department Order No. 41 si Aguirre noong 2017 na nagbigay pahintulot sa mamamayan ng People’s Republic of China na pumasok sa Pilipinas kahit hindi sila nakakuha noon ng visa mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Mula rito ay sumulpot ang visa upon arrival (VUA).
Kahit mayroong VUA ang mga Chinese ay nagawa pa ring pagkakitaan ang mga ito ng sindikato sa BI, ayon sa impormasyong lumabas sa Senado.
Kung walang visa (non-VUA) ay pasok pa rin sa bansa dahil dineskartehan ng Pastillas Gang.
Batay sa impormasyon ng Senado, 3.8 milyong Chinese ang pumasok sa non-VUA, samantalang umabot lamang sa 150,000 ang dumaan sa VUA.
Dahil sa non-VUA, P30 bilyon ang napunta sa utak ng Pastillas Gang, samantalang P10 bilyon ang posibleng napunta sa ilang opisyal ng BI. (NELSON S. BADILLA)
155 