NANINIWALA si Senador Imee Marcos na hindi magiging problema sa mga Pinoy ang deklarasyon na wala munang Christmas parties sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Marcos na maaaring magsagawa ng virtual parties at sabay-sabay na mag-noche buena pagsapit ng araw ng Pasko upang maramdaman pa rin ang presensya ng bawat isa.
“Let’s get creative- Pilipino pa! Maraming virtual parties online ngayon kung may wifi, sabay-sabay kakain ng noche buena nanonood sa isat isa sa computer!” diin ni Marcos.
“Sana habaan shopping hours at wag hayaan ang pagtaas ng presyo ng mga baboy, spageti, atbp! Wag naman maging tuyo nalang ang paskong ito! Yung mga nakatira sa isang bahay, wag naman higpitan masyado at payagan magsaya- kumanta at mag-videoke, magsindi ng lehitimong firecrackers, maglaro mga bata sa kalsadang na-secure,” apela pa ng senador.
Iginiit din nito na dapat luwagan ang curfew kahit ilang gabi lang upang maituloy ang tradisyon ng simbang gabi.
“Higit sa lahat, imbes na maluhong party at regaluhan, pls sa may kaya naman, i- share nating lahat anumang meron tayo sa mga mahihirap- mamigay nang todo sa ating kapwa! Yan ang tunay na diwa ng Pasko sa pandemya,” sinabi pa ng mambabatas.
“At baka yun na nga ang gusto ni Lord na Paskong totoo,” dagdag nito. (DANG SAMSON GARCIA)
157 