USAPIN NG PABAHAY NAIS PAG-ISAHIN NG SOLON

IGINIIT ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na dapat nang pag-isahin ang mga pondong may kinalaman sa pabahay sa ilalim ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).

Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa kainitan ng pagtalakay ng Senate Committtee on Finance para sa panukalang P3.683 budget ng DHSUD, kung saan natuklasang mahigit sa P25.1 bilyong pondo na may kinalaman sa pabahay ang nasa ilalim ng iba’t ibang ahensya imbes na dapat sana ay mapunta ito sa departamentong pinamumunuan ni Sec. Eduardo del Rosario.

Isinusulong ni Tolentino ang realokasyon ng multi-bilyong pondo patungong DHSUD upang matugunan ang inaasahang 6.57 million backlogs para sa programang pabahay ng administrasyong Duterte pagsapit ng taong 2022.

Bagama’t P77.060 bilyon ang inihaing panukalang budget ng DHSUD para sa susunod na taon, P3.683 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa 2021 National Expenditure Program na isinumite nito sa Kongreso.

Ipinaalala ni Tolentino sa kanyang mga kasamahan na dapat lamang bigyan ng mas malaking pondo ang pabahay dahil ang tahanan ang nagsisilbing pangunahin proteksyon ng bawat indibidwal laban sa pandemyang dala ng COVID-19 virus.

“It has been stressed over and over that the first line of defense against COVID-19 is your house. But how can you lock down if you don’t have a house of your own? How can we implement a massive housing program if you don’t have a housing budget? We really need more fund for the Department of Human Settlements,” ani Tolentino.

Pinayuhan din ni Tolentino si Del Rosario na sumulat ng pormal na liham sa ibang mga ahensyang may alokasyon din sa pabahay upang mapag-isa ang mga nasabing pondo sa ilalim ng DHSUD— gamit ang mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11201, partikular na ang probisyon sa ilalim ng Section 7(G). (NOEL ABUEL)

217

Related posts

Leave a Comment