KATIWALIAN SA DPWH MATAGAL NA

MATAGAL nang naniniwala ang mga ordinaryong mamamayan na may nangyayaring kalokohan sa mga proyektong ipinapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bakit kanyo? Aba, hindi nagtatagal ang mga proyektong ginagawa ng mga kontraktor na nanalo sa bidding tulad ng mga kalsada lalo na sa mga malalayong lugar na hindi nakikita ng media.

Sandaling sandali lang ang itinatagal ng mga ginawang kalsada, bakit? Pansinin nyo, maraming kalsada ang kagagawa pa lang pero bitak-bitak na kapag umulan dahil malabnaw ang semento.

Kaya nga bihira kang ­makakita ng mga kalsadang ginagawa sa panahon ng ­tag-ulan dahil siguradong matutunaw agad ang kanilang proyekto at mabubuko agad sila ng malaki ang kanilang kupit.

Hindi pa crash grava ang ginagamit ng mga kontraktor sa mga kalsada sa mga tagong lugar kaya mas madaling masira. Isang maliit na pebbles lang ang lumutang kapag umulan, sigurado tuloy-tuloy nang matunaw ang pera ng bayan.

Sabi ng kilala kong engineer, tatagal ng hanggang 10 taon ang isang kalsada na matino ang pagkakagawa pero maraming kalsada hindi umaabot ng 5 taon dahil ­tinipid ang materyales.

Pero kahit palpak ang proyekto ng isang kontraktor ay lagi pa ring nananalo sa bidding.

Hindi pinaparusahan o kaya i-ban man lang ng mga project engineers ng DPWH sa bidding sa mga susunod na proyekto.

Ganito na lang. Kung ang budget ng isang maiksing kalsada ay P1,000,000 pero P500,000 lang ang ginastos ay talagang hindi yan magtatagal.

Siyempre hindi sosolohin ng contractor yan…generous ang mga contractor para makaulit sila.

Para malaman ng task force na itatatag para mag-imbestiga sa katiwalian sa DPWH alamin ang koneksyon ng mga ­contractor sa mga project engineers o yung mga district engineers.

Kapag nagbi-birthday ang isang district engineers, lahat ng mga kontrator sa kanyang ­nasasakupang distrito ay present sa kanyang birthday party.

Kayo na ang mag-isip bakit ­nagkakaroon sila ng malalim ng samahan.

Isa rin sa mga dapat tingnan ng task force ay ang pulitikong mayroong sariling contruction company na siyang sumasali at nanalo sa bidding sa mga proyektong ginagawa sa kanilang nasasakupang lugar.

Open secret naman na maraming pulitiko ang may construction company na ipinapangalan lang sa kanilang dummy pero sila ang may-ari at laging nananalo sa bidding sa malalaking proyekto sa kanilang lugar.

Kaya nga madalas, nag-aaway ang Mayor, Governor at Congressmen, hindi dahil sa pulitika kundi sa proyekto ng national government sa kanilang lugar dahil nag-aagawan sila sa kontrata.

Mayroon ngang isang ­probinsya dito sa Luzon na buong pamilya nasa pulitika, mayroon silang ­dummy company.

Alam ng kanilang constituent na sila ang may-ari ng kumpanya pero sa papel hindi sila.

Kaya kung talagang gusto ng gobyerno na masugpo ang katiwalian sa mga proyekto ng DPWH, hindi lang ang mga project engineers ang tutukan kundi ang mga pulitiko dahil isa yan sa pinagmumulan ng kanilang yaman.

222

Related posts

Leave a Comment