HINILING ni Senador Nancy Binay sa Philippine Retirement Authority (PRA) na rebyuhin ang umiiral na patakaran nito upang mabawasan ang pagsasamantala ng mga dayuhan sa special resident retiree visas (SRRV) para manatili sa Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na lubhang mapanganib sa seguridad ng Pilipinas na payagan makapagretiro sa bansa ang 35 taong gulang pataas at puwede nang kumuha ng SRRV na itinuturing na “soldier’s age.”
Aniya, dapat maging mahigpit sa pagsusuri ang PRA sa dayuhang retirees matapos matuklasan ito sa ginanap na pagdinig ng Senado sa badyet ng ahensiya.
“It’s high time to review the policy na 35 years old ka lang ay puwede ka na mag-retire dito sa Pilipinas kasi ang kailangan lang po ng magre-retire ay either mag-deposit siya ng 50,000 sa bangko, or bumili ng condo unit worth 2.5 million at puwede nang mag-retire dito,” giit ng senador.
Nagpahayag din ng pagkaalarma ang senador sa pinaluwag na national security policy na payagan ang Chinese nationals na may edad 35 taong gulang na pumaloob sa bracket na tinawag na “soldier’s age.”
“Siguro dapat dagdagan din ang security measure at baka dapat higpitan ang vetting process ng mga tatanggapin natin regardless of nationality,” ayon kay Binay.
Aniya, lubhang nakababahala ang age limit ng PRA at nakita nito kung paano samantalahin ito upang makapagtrabaho sa bansa nang hindi dumadaan sa tamang channel.
Base sa records ng PRA, pinayagan ng ahensiya ang mahigit 28,000 Chinese “retirees” na permanenteng manirahan sa bansa.
“Puwede [ang mga ‘yan ay] nagtatrabaho sa POGO, or puwede din po baka nandiyan sila sa Divisoria. Kaya nga po magandang tingnan at pag-aralan kasi baka kumbaga ginagamit nila itong paraan to circumvent the law na hindi sila puwedeng magtrabaho dito,” ayon kay Binay.
Base sa listahan ng PRA, mayroon 70,520 foreign retirees sa Pilipinas, pinakamalaki rito ang bilang ng Chinese national na aabot sa 40% sumunod ang Koreans, 14,000, at Indians na may 6,000 bilang. (ESTONG REYES)
156 