TINIYAK ng Malakanyang na may paparating na tulong mula sa gobyerno para sa mga nabiktima ng bagyong Quinta.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, kabilang sa bibigyan ng tulong ay ang mga magsasaka na nasiraan ng pananim na ipadadaan sa Department of Agriculture.
Aniya, Outright grant at pautang ang ayudang maaaring maipagkaloob sa mga magsasaka na bagama’t ang iba aniya’y nakapag-ani na ay nahagip pa rin ng hagupit ng kalamidad.
Sigurado aniyang may mga aberya pa ring kinakaharap ang mga magsasaka kaya’t kasama sa asisteng kanilang ibibigay ang tinatawag na crop insurance para sa mga danyos.
“Iyong mga nasalantang farm lands po, mayroon po tayong tulong na manggagaling po sa DA. Ito po ay outright grant at saka mga pautang kaya huwag po kayong mag-alala. Bagama’t ang balita ko naman po, itong bagyong ito, lalo na iyong mga nagtatanim ng palay ay nakaani na po sila. Pero ganoon pa man, alam ko marami pa rin silang naging aberya, at mayroon din po tayong tinatawag na insurance, iyong crop insurance para doon sa mga danyos nila,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
173 