HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na bigyan ng ultimatum ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na mag-alok na ng shares of stock nito sa Philippine Stock Exchange alinsunod sa mga kautusang nakapaloob sa prangkisa ng kumpanya bilang transmission system operator ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na naghain ng motion for reconsideration ang NGCP na humihingi ng isang taong palugit upang makapagsagawa ng Initial Public Offering (IPO) matapos maglabas ng kautusan ang ERC noong Abril na dapat nang ipatupad ng NGCP ang pag-aalok ng IPO sa lalong madaling panahon. Pinagsusumite rin ng ERC ang NGCP ng isang compliance report.
Bagamat hinihintay pa ng ERC mula sa National Transmission Corporation (TransCo) at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) ang kanilang komento sa apela ng NGCP, pinaalalahanan ng ERC ang dalawang tanggapan na pawang tagapamagitan o ‘intervenor’, sa deadline nilang October 31 para magsumite ng komento.
Ngunit duda ang senador na maisasakatuparan ng NGCP ang utos sa kanila ng ERC lalo na’t wala itong ipinakikitang senyales sa pagtupad nito sa obligasyon na nakasaad sa batas.
Maliwanag, ani Gatchalian, na isang ganap na batas ang prangkisang ipinagkaloob sa NGCP at ang hindi nito pagtugon sa mga probisyong nakapaloob dito ay may kaakibat na parusa at multa, bukod pa sa maaring ipataw ng ERC sa hindi pagtupad nito sa kanilang kautusan.
“Maaaring tanggalan sila ng prangkisa at ito’y isang klarong option kung hindi nila isasakatupan ang IPO,” ani Gatchalian.
Sinabi pa ng senador, na siyang chairman ng Senate Energy Committee, kinakailangan ang pagsunod ng NGCP sa kautusang ito dahil ito’y isang mekanismo na inilatag ng pamahalaan para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makalahok sa operasyon ng kumpanya na siyang namamahala at nangangasiwa ng transmission assets ng gobyerno.
“Hangga’t may partisipasyon ang publiko, makaaasa tayo ng transparency at pananagutan,” pagtatapos ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
166 