LALONG hindi dapat ituloy ng gobyerno ang Kaliwa Dam project dahil sa idinulot ng mga dam na matinding pagbaha sa Marikina at Cagayan Valley noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna Party-list Rep. Eufemia Cullamat kaugnay ng nasabing proyekto na pinondohan ng bansang China at babayaran ng mga Filipino na may mataas na interes.
“Ang trahedya na nagdulot o ugat nitong matinding pagbaha at landslide ay ang nagpapatuloy pa rin na mga proyektong nakakasira sa ating kalikasan, katulad ng malalaking pagmimina na nagkakalbo sa mga kabundukan at kagubatan, at ang mga dambuhalang dam na nagpapakawala ng napakaraming tubig na naglulubog sa maraming bayan,” ani Cullamat.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil isinisisi sa Angat Dam ang matinding pagbaha sa Marikina City kaya plano ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na kasuhan ang nasabing pamunuan ng nasabing dam dahil wala umanong pasabi ang mga ito na magpapakawala sila ng tubig.
Isinisisi naman ni Cagayan Gov. Manny Mamba sa Magat Dam ang paglubog ng lalawigan sa baha dahil hindi kaagad naglabas ang mga ito ng abiso kaya nabigla ang mga Cagayano at hindi nakapaghanda.
“Tumatambad na lamang sa atin ang mga delubyong dulot ng mga mapaminsalang proyektong ito ‘pag tumama na sa atin ang kalamidad,” ayon kay Cullamat kaya walang dahilan para ituloy ng gobyerno ang Kaliwa Dam project.
Nangangamba ang mambabatas na mas malaking delubyo ang mangyayari kapag itinuloy ang nasabing proyekto at posibleng malunod ang buong Metro Manila at mga lalawigang ng Laguna at Rizal kapag nagkaroon ng aberya.
Sinabi ng katutubong mambabatas na hindi solusyon ang mga mega dam tulad ng Kaliwa Dam, sa kahirapan ng pagkukunan ng tubig bagkus ay kahirapan ang dulot nito sa mga tao kapag may nangyaring sakuna. (BERNARD TAGUINOD)
