DAVAO City – Malaki ang paniniwala ng 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa lalawigan ng Davao Occidental, na matatapos na ang insurhensiya sa malayong sitio sa bayan ng Malita.
Ito’y matapos maitayo ang isang paaralan na magbibigay ng maayos na edukasyon sa mga kabataang naninirahan sa lugar.
Ayon kay Lt. Col. Ronaldo Valdez, commander ng 73rd IB, nasa kamay ng Department of Education ang bagong tayo na Lalon Elementary School sa Malbag Extension ng Brgy. Little Baguio, na pinasinayaan kasabay ng pamimigay nila ng 250 food packs para sa mga residente nitong nakaraang linggo.
Sinabi ni Valdez, hindi na kailangang bumaba ng mga guro mula sa bukid dahil may kasamang silid-tulugan ang itinayong paaralan.
Ang proyekto ay pinondohan ng Team Bautista sa halagang P150,000 at matatagpuan mga sampung kilometro mula sa sentrong parte ng barangay.
Dumalo ang mga kinatawan ng Department of Education, Department of Social Welfare and Development at mga principal mula sa iba’t ibang paaralan ng Malita, mga opisyal at pulisya sa lugar, sa isinagawang turn-over ceremony.
Sinabi ng principal na si Glee Dela Cerna, malaki ang kanilang pasasalamat sa Team Bautista dahil matagal na nilang inasam-asam ang pagkakaroon ng paaralan sa lugar at mabilis itong naitayo dahil sa tulong ng 73rd IB.
Ibinunyag din ni Valdez na dating kampo ng teroristang New People’s Army (NPA) ang lugar at maraming kabataan ang hindi nakapag-aral dahil sa maling propaganda na itinatanim nila sa isipan ng mga residente roon.
Dagdag ni Valdez, malaking tulong din sa komunidad ang EO 70 ni Presidente Rodrigo Duterte upang ipatupad ang “Whole of Nation Approach,” o mga serbisyo ng gobyerno na mabilis maihatid sa kabundukan.
“Ang pagsanib ng taong-bayan sa teroristang kilusan ay dahil sa kahirapan at kawalan ng kaalaman. Ang pagpapatayo ng paaralan at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno ang titigil sa laganap na rekrutment sa kanayunan,” ani Valdez. (DONDON DINOY)
283

