MASBATE – Brutal na pinatay ng mga kabarangay ang isang mag-asawang kapwa faith healer makaraang paghinalaang mga mangkukulam sa bayan ng Placer sa lalawigang ito.
Madaling araw noong Martes nang dukutin ng hindi kilalang armadong kalalakihan ang mag-asawang sina Alvino at Belly Flores sa kanilang bahay sa coastal barangay ng Camayabsan sa naturang bayan.
Ayon sa report ng pulisya, nasa tabing dagat ang lalaki nang dumating ang mga suspek na mga nakasuot ng mask, jacket at armado ng mga baril at galit na hinahanap ang misis nito.
Inakusahan ng mga residente na nangungulam ang babae at ang mister naman umano ang gumagamot sa kinukulam na ginagawa nilang hanapbuhay.
Matapos makuha sa bahay, iginapos ang mag-asawa at dadalhin sana sa sentro ng barangay upang ipakita sa publiko ang gagawing pagbitay sa mga ito.
Ngunit habang nasa daan ay nagtangkang tumakas ang babae kaya pinaputukan ng mga suspek gayunman sa labis na pagtataka ng mga ito ay hindi pumutok ang kanilang mga baril.
Ngunit nakapaghanda umano ang mga suspek na mabilis na inilabas ang dala nilang mga palakol na siyang ginamit sa pagpatay sa dalawa.
Habang nakabulagta sa buhanginan, saka pa lamang niratrat ng baril ng mga suspek ang mag-asawa.
Ayon sa isang opisyal ng barangay na hindi nagpabanggit ng pangalan, inireklamo rin umano sa kanila ang gawain ng mag-asawa simula nang tumira ang mga ito sa Barangay Recudo sa bayan ng Cawayan at sa isang sentrong barangay ng bayan ng Placer.
Inaalam ng mga pulis kung anong grupo ang may kagagawan sa karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawa. (NILOU DEL CARMEN)
282
