UMAASA ang mga Pilipino na mapalalakas pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagresolba sa isyu sa transportasyon, base sa ginawang pag-aaral ng technology-driven polling at data analytics company agency WR Numero Research.
Base sa resulta ng pag-aaral ng WR Numero Research na may pamagat na “Public Transportation Amid a Pandemic: Digital Perceptions and Sentiments”, mayorya ng mga Pilipino ay hindi kuntento sa pagsisikap ng gobyerno na maresolba ang usapin sa transportasyon sa gitna ng national health situation.
Sa survey, nasa 54 percent ng mga Pilipino ang hindi masaya at hindi sigurado sa lawak at lalim ng mga hakbangin ng pamahalaan para makapagbigay ng ligtas at sapat na paraan ng transportasyon ngayong dumaranas ng krisis. Nasa 46 percent naman ang nasisiyahan sa ginagawa ng pamahalaan.
Ayon kay WR Numero Research Chief Executive Officer Prof. Robin Michael Garcia, normal na makatanggap ng kritisismo ang pamahalaan kung hindi masaya ang publiko sa mga naging hakbang nito at normal din na maghanap ang publiko ng ilalatag sa solusyon para sa problema.
Sa datos na kinolekta mula noong October 15 hanggang 25 gamit ang mga Facebook post, lumikha ng mga engagement kaugnay sa isyu ng transportasyon, pinakamarami ang reaksyon kaugnay sa kakulangan sa ruta at sa pagbubukas muli ng operasyon ng mga public utility vehicles, pag-aalala sa pagtaas ng passenger capacity ng train system, kakulangan sa financial aid sa mga jeepney driver, completion ng Skyway 3 project at ang duda sa korapsyon sa DPWH.
Kinuha ang reaksyon mula sa social media accounts ng mga news outlet ng national significance. (DAVE MEDINA)
232 