NANINIWALA ang mga netizen na inabot na ng “karma” si Batangas 2nd District Representative Raneo Abu dahil sa umano’y pagpapabaya at pagiging manhid sa mga daing at hinagpis ng kanyang constituents, mula pa noong pandemya hanggang abutin na ng bagyo at pagbaha.
Ayon sa netizens na Batangueño, mas pinili ni Abu na pagsilbihan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano kaysa sa kanila.
Inalala rin ng netizens sa Kapamilya Kingdom Facebook page, ang pagboto ni Abu para ibasura ang hiling na prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi rin nila na tila naglaho ang mga pangarap sa pulitika ni Abu nang alisin siya sa pwesto ni House Speaker Lord Alan Velasco.
Damay rin sa batikos sa naturang FB page si Cong. Dan Fernandez.
“Nagmistulang abo ang mga pangarap ni Raneo Abu matapos siyang sipain, kasama si Dan Fernandez, bilang deputy speaker. Silang dalawa ni Fernandez ay kasama sa 70 kongresistang pumatay sa renewal ng ABS-CBN noong Hulyo,” sabi pa sa post sa FB page.
May iba na nagsabi na binaha sila pero mas naawa sila dahil biglang nawalan ng kapangyarihan sa Kamara si Abu.
“Kahit nabahaan kami, pero mas naawa ako sa mga sinipa,” sabi ni Aminah Yaz.
Pero agad siyang kinontra ng ibang netizen.
“Naawa? Maawa ka dun sa mga taong tinanggalan nila ng hanapbuhay at pangarap sa kasagsagan ng pandemya. Kung iisipin lang kulang pa iyan sa kabayaran ng kanilang ginawa sa 11K+ na nagtratrabaho ng marangal para sa pamilya,” sagot ni Robby Lavazares na sinag-ayunan ng maraming netizens. (CATHERINE CUETO)
174 