Kasunod ng pagdistansya ni Pulong ‘SILENT WAR’ NAMUMUO SA KAMPO NI VELASCO

TILA may silent war sa loob ng House of Representatives sa pagitan mismo ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco matapos maiulat na nagkaroon ng pikunan ang ilang mambabatas na kinuwestiyon ang pagkakatalaga kay Davao Rep. Paolo Duterte bilang chairman ng House committee on accounts, isa sa makapangyarihang posisyon sa Kamara.

Tahimik ang House Leadership sa isyu subalit isang Viber message ni Duterte ang kumalat na nagsasabing didistansya na ito sa House Majority resulta ng pagkuwestiyon sa kanyang loyalty.

Nag-ugat ang silent war nang kuwestiyunin umano ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin na kilalang supporter ni Velasco ang posisyong ibinigay kay Duterte.

Nauna nang iniulat ng Saksi Ngayon na nagkaroon umano ng pagtitipon ang Velasco supporters sa Rizal Park Hotel noong Nobyembre 10 matapos ang kanyang oathtaking kay Pangulong Rodrigo Duterte. sa gitna ng dinner ay nagbiro umano si Garin kay Duterte na “Hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”.

Hindi nagustuhan ni Duterte ang biro hanggang sa nagkaroon ng komosyon kaya umawat si Maguindanao Rep. Toto Mangudadatu.

Matapos ang insidente ay nagpadala ng mensahe si Duterte sa Viber group ng mga kongresista, pasado alas 2:00 ng madaling araw noong Nobyembre 11, na nagsasaad ng paghingi nito ng paumahin sa nangyari.

“Maraming Salamat po sa opportunity, trabaho lang po walang personalan. Sorry to say but I have to distance myself na po pati sa ruling majority ng HOR, pinahiya at naquestion na po loyalty ko.

Sa bunganga po ni Cong Mangudadatu at Congw Sharon Garin mababalitaan nyo po yan mamaya agad. So pinili ko na po to properly habang may mukha pa akong maharap sa inyo wait and see na lang po Monday,”nakasaad sa mensahe ni Duterte.

Dagdag pa nito sa nasabing Viber message na aminado siyang nagkaroon ng gulo subalit humingi na siya ng tawad kay House Speaker Velasco.

Matatandaan na si Duterte ay hindi bumoto kay Velasco nang magkaroon ng speakership row dahil na rin sa katwiran nitong parehas nyang malapit na kaibigan sina Velasco at dating House

Speaker Alan Peter Cayetano. Gayunpaman ay nabigyan ito ng pwesto habang umaalma ang mga bumoto kay Velasco gaya ni Garin na walang nakuhang posisyon.

Nang maupo bilang Speaker ay ilang kakamping mambabatas ang pinangakuan ni Velasco ng pwesto, isa na rito si Garin na target umano ang chairmanship ng House ways and means committee na inookupahan ni Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon sa ilang insider, para mapagbigyan si Garin ay ililipat bilang Deputy Speaker si Salceda ngunit hindi naman ito pumapayag.

Kamakalawa ay nagkaroon ng rigodon sa Kamara at inupo ang tatlong bagong deputy speakers na sina Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, Buhay Party-list Rep. Lito Atienza at Las Piñas Rep. Camille Villar para maging kapalit nina deputy speakers Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez at Batangas Rep. Raneo Abu.

Subalit ilang oras matapos maitalaga ay nagsumite ng kanyang formal letter si Villar kay Velasco na nagsasabing tinatanggihan niya ang alok na posisyon. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang sagot si Velasco sa naging pagtalikod sa kanya ni Villar. (BERNARD TAGUINOD)

184

Related posts

Leave a Comment