IKAKASA ng pamahalaan ang crackdown laban sa mga operasyon ng illegal logging at mining sa mga binahang lugar sa pananalasa ng magkakasunod na bagyo.
Ito ay matapos isisi sa pag-abuso sa kalikasan ang mala-delubyong dinanas ng maraming komunidad sa nakalipas na linggo dulot ng Bagyong Ulysses at ng mga sinundan nito.
Sa isang public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na nagbigay na ng direktiba si Interior Secretary Eduardo Año sa PNP na gawing prayoridad ang crackdown sa mga lalawigang sinalanta ng mga pagbaha.
“Si Secretary Año po ay nagbigay ng kautusan kay [Philippine National Police chief] Gen. Debold Sinas, na mag-crackdown sa lahat ng uri ng illegal logging at illegal mining sa mga lugar na nasalanta ng bagyo partikular sa Cagayan, Isabela kahit na po sa Kabikulan dahil ito ang sinasabing dahilan [ng] unprecedented widespread flooding,” wika ni Malaya.
Matatandaan na nakaranas ng lahar flow mula sa Bulkang Mayon ang ilang parte ng Bicol region, partikular sa Albay, sa kasagsagan ng pagtama ng Super Typhoon Rolly sa Luzon.
Habang ang mga probinsya ng Cagayan at Isabela ay nakaranas ng malawakang pagbaha, na isinisisi sa ilegal na pagtotroso at minahan.
(JESSE KABEL)
217
