MULING umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tulungan ang mga local government unit (LGU) na naapektuhan ng bagyong Ulysses sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang pondo para sa kalamidad na katumbas ng 1% ng kani-kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).
Ayon sa senador, karamihan sa calamity fund ng LGUs ay naubos na dahil sa pandemya na dulot ng coronavirus disease (COVID-19) na patuloy na nakaaapekto sa buhay ng mga Pilipino.
Ang apela ni Go ay matapos ang mga panawagan para sa tulong mula sa mga apektadong LGUs dahil ang kanilang pondo sa kalamidad ay naubos na sa COVID-19 pandemic at ng kamakailan lamang na mga bagyo na tumama sa bansa sa mga nakaraang buwan.
“Malaki po ang magagawa ng pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad, lalo na’t nabawasan na ang kanilang naunang pondo dahil sa pandemya,” sabi pa ng senador.
Iminungkahi rin ni Go na maaaring tuklasin ng executive department ang posibilidad para sa karagdagang pondo sa matinding apektadong mga LGU depende sa lawak ng mga pangangailangan ng mga komunidad at sa pagkakaroon ng mga pondo. (NOEL ABUEL)
184
