DOFW GUGULONG NA SA SENADO DAHIL KAY SEN. BINAY

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUGE UMANDAP

 

MULING nabuhayan ng pag-asa ang mga pinuno ng iba’t-ibang samahan ng mga OFW at mga datihang OFW matapos na magpalabas ng Notice of Joint Hearing ang Committee on Labor, Employment and Human Resources ­Development na pamumunuan ni Senador Nancy Binay , Committee on ­Foreign Relations na pinamumunuan ni Senador ­Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at Senate Committee on Finance ni Senador Edgardo ‘Sonny’ Angara.

Ang nasabing joint ­meeting ay gaganapin sa Disyembre 7, 2020 sa ganap na ika-10:30 ng umaga sa AB Padilla Room ng Senate Building sa Pasay City.

Inaasahang tatalakayin ang walong (8) panukala na may magkakaparehong titulo na “An Act Creating the Department of Overeseas Filipino Workers” na isinusulong nina Senador Pimentel, Sen. Bong Go, Sen. Bong Revilla, Sen Ralph Recto, Sen Manny Pacquiao, Sen. Joel Villanueva na nakapaloob sa senate Bill numbers 92, 202,461,593,997,1323,1835 at 1848.

Samantala ang panukala naman ni Senador Cynthia Villar na Senate Bill number 141 ang naiba lamang ang titulo na “An Act Creating the Department of Migration and Development.”

Kasama rin sa inaasahang tatalakayin ang House Bill No. 5832 na may titulong “An Act Creating the Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment na pinagsama-samang panukala sa kongreso sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Allan Peter Cayetano.

Matagal nang nagtatampo ang mga OFWs kay Senador Joel Villanueva sa kanyang tila pagbabalewala o tulugan lamang ang panukala sa pagkakaroon ng Department of OFW na matagal ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte

Muntik na ngang humantong sa isang malaking rally sa harap ng senado ang pagtatampo ng mga OFW. Mabuti na lamang ay binigyan ng pansin ni Committee on Labor and Employment and Human Developmment Vice Chairman Senador Binay ang matagal ng panawagan na simulan na ng senado na pag-usapan ang naturang batas.

Mabuti na lamang at si Senadora Binay ang Vice Chairman ng komite na tatalakay sa DOFW. Buong-buo ang pagtitiwala naming mga OFW kay Sen. Nancy Binay dahil subok na naming mga OFW ang pagmamalasakit nito sa OFW bago pa man ito nahalal na senador.

Maraming beses na rin naman nakabisita sa ­Middle East si Senador Binay kasama ang dating Bise Presidente Jojo Binay. At sa kanyang mga pagbisita ay personal na kinakamusta ni Sen. Binay ang mga pinuno ng FILCOM.

Katunayan, noong kami ay nagkita nang ako ay ­bumisita sa Senado ay agad na kinamusta ni Sen. Binay ang mga pangyayari sa Kuwait at kasunod ng mga kwento ng kanyang mga personal na nasaksihan sa kanyang pagbisita sa iba’t-ibang panig ng mundo na may mga OFW.

Inaasahan ng mga OFW na maipapasa na ang mga panukalang ito sa simula ­unang tatlong buwan ng taong 2021. Patunay dito ang pagkakaroon ng 8 panukala na lahat ay halos ay may magkakaparehong panukala na ang pinaka-buod ay ang pagkakaroon ng departamento na direktang mamamahala sa panga­ngalaga at pagseserbisyo sa mga OFW.

Ang AKOOFW ay nakikiisa sa lahat ng mga lider ng samahang OFW na ­magiging masigasig sa pagdalo at pagsusulong ng panukalang ito na matagal ng isinusulong.

                                                                                                                                                                        -oOo-

Ang AKO OFW ay patuloy na nanawagan sa sinumang may mabubuting kalooban na ibig magpa-abot ng tulong pinansiyal para maipambili ng bigas, de lata at mga noodles para sa mga taga Rizal at Cagayan Valley. Maaring magpadala sa pamamagitan ng GCASH sa telepono 0956 846 7849 na may account name na Celerino U.

227

Related posts

Leave a Comment