WALANG tapang para sa peasant group na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang ginagawang imbestigasyon ng House of Representatives kaugnay sa naging pinsala ng Bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela.
Duda rin silang sa tinatakbo ng imbestigasyon ay walang mapananagot ang Kamara dahil nakatuon lamang ito sa ginawang pagpapakawala ng tubig ng mga dam at walang pag-iimbestiga sa illegal mining at illegal logging.
Ang pahayag ay reaksyon ng grupo sa naging pahayag umano ni House Speaker Lord Allan Velasco na climate change at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang siyang sanhi ng massive flooding sa Cagayan at Isabela kaya naman ang rerebyuhin ng Kamara ay ang dam protocols upang hindi na maulit ang mapaminsalang baha gaya ng dinulot ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, ang mahalagang dapat imbestigahan ng Kamara ay ang logging sa mga bundok ng Cagayan at Isabela at ang mapanirang mining na siyang sanhi ng pagbaha. Aniya, welcome development sa kanila ang House Inquiry ngunit nakalulungkot na hindi naman nito kayang banggain ang malalaking contractor at malalaking tao na nasa likod ng illegal mining at logging.
Sa joint investigation ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Velasco ang pagpapakawala ng tubig ang nagpalala ng sitwasyon sa Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses na sinang-ayunan din ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera na nagsabing 2006 pa ang dam protocol na sinusunod na hindi na akma sa panahon.
Subalit pinabulaanan ito ni National Irrigation Administration (NIA) head Ricardo Visaya. Aniya, hindi ang pagbubukas ng gates ng Magat dam ang ugat ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela kundi ang malawakang illegal logging, mining at quarrying activities sa lugar.
Kaya naman, sinabi ng KMP na maituturing na moro-moro ang imbestigasyon ng Kamara kung hindi nito sasakupin sa kanilang House Inquiry ang tunay na problema sa mining kabilang na ang black sand mining na talamak sa Cagayan at ang legal at illegal logging na may permiso pa mismo ng lokal na pamahalaan.
Minaliit din ng KMP ang naging pahayag nina Isabela Governor Rodito Albano at Vice Gov. Faustino Dy III na wala nang mining operations at illegal logging sa lalawigan.
Kahapon ay ipinag-utos na ni Interior Secretary Eduardo Año ang crackdown sa illegal logging at illegal quarrying. Partikular na pinakikilos ni Año ang LGUs at Philippine National Police (PNP) na bantayan ang ganitong ilegal na aktibidad kasabay ng pagbabanta nito sa mga tiwaling local government officials na sangkot sa illegal logging at quarrying sa kanilang lugar na tutukuyin at kakasuhan ang mga ito. (DAVE MEDINA)
192 