TINGNAN n’yo nga naman kung ano ang nagiging buhay ng mga atletang Pilipino masunod lamang ang obigasyong makapagsilbi sa bayan, ayon sa paraang nalalaman nila.
Isang halimbawa nito ay si Olympic qualifier sa boksing na si Irish Magno, na mula nang makapasok sa XXXII Games of the Olympics sa Tokyo na gaganapin sa susunod na taon ay halos magpakamatay sa kagustuhang makapag-ensayo para matupad ang pangarap niya at ng lahat ng mga kababayan natin na mabigyan ang bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa Olimpiyada.
Maging ang kapwa niya boksingera at pandaigdig na kampeon sa amatyur sa featherweight na si Nesthy Petecio at humigit-kumulang sa 80 atleta na naghahangad makarating sa Tokyo para makalahok sa tinatawag din na “Greatest Sports Show on Earth.”
Mula noong pauwiin sa kanyang bayan sa Janiuay, Iloilo, kasunod ng malawakang lockdown dala ng COVID-19 pandemic, ang 29-anyos na si Magno, isang flyweight, ay nakapage-ensayo lamang sa pamamagitan ng online at tulong ng kanyang mga kababayan.
Katunayan, ang sira-sirang punching bag at iba pang gamit niya sa praktis ay hiram lang sa kapitbahay. Patuloy kasing ipinagkakait ang mga ito sa kanya ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa kabila nang paulit-ulit niyang pakiusap.
Nag-post pa nga siya sa kanyang Instragram account ng larawan niya na namimili ng ilang gamit gaya ng boxing gloves, mitts, speed balls at iba pa sa isang shopping mall sa pagbabaka-sakaling may makakita nito at matulungan siya.
“Nag-qualify na ako, at first in the women’s division in boxing, and I told myself i-take advantage ko na kasi sabi nga nila historic na daw yun and, ergo, malaking honor na para sa sarili ko, sa sports ko, at sa bansa,” pagtatapat sa SAKSI NGAYON ng may malaking pangangatawang boksingera na may taas na 5′-4″.
“I can’t do anything na. I am already an Olympian na matagal ko nang pinangarap. Who knows, baka isa ako sa mga ini-expect na manalo ng Olympic medal, lalo na ang gold na halos 100 taon na nating pangarap lahat na Pilipino!” dagdag niya.
Sa kabilang dako, si Petecio na may ranggong no. 2 sa mundo sa kanyang dibisyon tulad ng kapwa middleweight at kababayang si Eumir Marcial, ay umupa ng isang apartment sa Digos, may isa’t kalahating oras na biyahe mula Davao City, sa halagang P4,000 kada buwan para lang makapag-ensayo.
Ang upa niya sa apartment ay hindi pa kasama sa upa na P2,000 para mapasama sa boxing group na sinapian niya para makapaghanda sa Olympic qualifier na lalahukan niya sa susunod na taon.
“Medyo may kamahalan nga, but as we, members of the national pool have been saying, kailangan naming gawin,” na ang tinutukoy ay ang mga teammate niyang sina Carlo Paalam, Ian Bautista at Risa Pasuit, na tulad niya ay susubok ding mag-qualify sa Tokyo Olympics.
Sabi raw ng ABAP sa kanila, iluluwas sila sa Maynila kapag pinayagan na ng Inter-Agency Task Force sa COVID-19, pero sa kondisyong babalik sila muli sa probinsya pagdating ng kapaskuhan.
“I do’t know why, maybe hindi nila kami puwedeng pakainin habang nandito kami sa Manila,” sabi ni Petecio.
“Sabi din nila wala namang problema na hindi kami nakakapag-ensayo face-to-face kasi may internet naman,” singit muli ni Magno. “Problem is, halos araw-araw nawawala ang internet, so, bale wala ring ensayo.”
Sa kakulangan ng suporta mula sa ABAP, ayon kay Petecio, gastusin niya para makapag-ensayo ay kinukuha niya mula sa insentibo niya sa pagwawagi sa featherweight championship.
Pahayag pa ng dalawa, naiinggit sila kay Marcial na dahil sa kapareho nilang problema ay nag-pro na lamang at nakuha si Hall of Fame trainer Freddie Roach upang pamahalaan ang kanyang preparasyon sa Wild Card Boxing Gym sa Los Angeles. Balak nga umano nilang lapitan si Senator Manny Paquiao at baka matulungan sila, tutal ay para sa bayan naman ang hihingin nilang tulong.
“Baka matulungan din kami ni Boss Manny na ma-realize ang dream namin at ng ating mga kababayan na mahandugan ang ating bansa ng Olympic gold medal. That would be great for the Philippines,” saad nina Magno at Petecio sa kolumnistang ito.
Ang 80 iba pang Pilipino Olympic hopefuls ay may kapareho ring sentimyento. Naghihintay din sila, tulad ng dalawa, ng desisyon ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, National Sports Associations para mabigyan sila ng training program na matagal na nilang hinihiling.
“Gusto ng ating mga opisyal na katawanin tayo ng maraming atleta sa Olimpiyada, pero wala naman silang ginagawa,” himutok ng ina ng isang atleta.
“July pa, sinabi nila mag-eensayo na ang ating mga atleta. Disyembre na at ilang buwan na lang qualifying tournament na, hindi pa rin nakakapaghanda ang ating mga atleta,” sambit pa niya.
328
