74 OVERSEAS TRAVELLERS NAGPOSITIBO SA COVID-19

TINATAYANG may 74 overseas travelers ang nagpositibo sa COVID-19 habang nagpapatupad ang Pilipinas ng restriksyon o paghihigpit para maiwasan ang pagpasok ng bagong coronavirus variant sa bansa.

Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon na ang 74 na kaso ay dumating sa bansa sa pagitan ng Disyembre 22, 2020 at Enero 3, 2021.

Ang resulta ng pagsusuri ay isinagawa sa 3,610 travelers na bumalik na negatibo.

May kabuuang 3,684 arrivals ang naitala sa nasabing panahon.

“Mababa naman po siya pero hindi po talaga natin kayang itaas ang risk para sa ating mga kababayan dito sa Pilipinas, kaya po talaga kahit na po mag-negative ay kailangan pa rin natin i-quarantine ang ating mga kababayan ng 14 days,” ayon kay Dizon.

Idinagdag pa ni Dizon na ang samples ng mga na-test na nagpositibo sa covid ay kaagad na ipinadala sa Philippine Genome Center at sa Research Institute for Tropical Medicine para madetermina kung ang bagong variant ng virus ay nasa bansa na.

Matatandaang Disyembre 24, nang magpatupad ang Pilipinas ng travel ban sa mga byahero na mula sa United Kingdom dahil sa bagong variant ng coronavirus na sinasabing mas nakahahawa.

Ang bagong variant ay unang natuklasan sa UK noong Setyembre. (CHRISTIAN DALE)

120

Related posts

Leave a Comment