NAGLAAN ang pamahalaang lungsod ng Malabon ng kabuuang P200 milyon para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa nasabing halaga ay maaaring makabili ng bakuna para sa 30% ng 366,000 populasyon ng lungsod o tinatayang 90,000 residente, ayon kay Dr. Roberto Romero, hepe ng Malabon City Health Department.
Bibigyan ng prayoridad ang health workers, mga naghahanapbuhay sa labas ng lungsod, senior citizens at mga indibidwal na may karamdaman o immunocompromised, sa pagbabakuna, ayon kay Mayor Antolin Oreta.
Sa isang pahayag noong Huwebes, idinagdag ng alkalde na handa ang mga doktor ng Malabon sa gawaing klinikal alinsunod sa mga panuntunan at kautusan ng Kagawaran ng Kalusugan at iba pang pambansang ahensya.
Kasama ang pambansang pamahalaan ay poprotektahan umano ng pamahalaang lungsod ang nasasakupan laban sa lalo pang pagkalat ng COVID-19, sa pamamagitan ng pagpapabakuna. (ALAIN AJERO)
