HINDI kasi nakikinig ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga ideya ng ibang tao kaya nakapasok sa bansa ang tinatawag na UK COVID-19 variant sa katauhan ng isang negosyanteng Filipino sa Kamuning, Quezon City.
“We told you so, but you refused to listen,” ani BHW Party-list Rep. Natasha Co sa IATF, matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na mayroon nang kaso ng UK variant sa Pilipinas.
Ayon sa mambabatas, nang magkaroon ng bagong COVID-19 variant sa UK ay agad nilang iminungkahi na ipagbawal mula ang paglabas at pagpasok ng lahat ng mga pasahero mula sa ibang bansa, hindi lamang ang mga dayuhan kundi gayundin ang mga Filipino.
Gayunpaman, hindi umano ito pinakinggan ng IATF dahil tanging ang mga dayuhan ang inilagay sa travel ban mula sa mga bansang may naitalang bagong variant ng COVID-19 at exempted ang mga Pinoy.
“This first confirmed new case is clear proof that the current IATF policy approach is ineffective and must be abandoned immediately. Impose a total travel ban now on all Filipinos and foreigners entering the country starting today,” ani Co.
Base sa mga report, ang UK variant carrier ay residente ng Kamuning Quezon City na bumiyahe sa Dubai noong Disyembre 27, 2020 kasama ang kanyang kasintahan at umuwi sa Pilipinas noong Enero 7, 2021 sakay ng Emirates flight.
Bagama’t negative ang unang swab test sa mga ito, pagdating nila sa bansa ay natuklasang nagtataglay ng UK variant ang negosyante habang nasa isolation facilities ang mga ito.
Samantala, puspusan ang isinasagawang contact tracing ng City Epidemiology and Surveillance Unit sa mga residente na close contacts ng isang Filipino na kauna-unahang nagpositibo ng COVID-19 UK variant (B.1.1.7).
Kasama ng CESU, sa pamumuno ni Dr. Rolly Cruz, ang Barangay Health Emergency Response (Team (BHERT), sa pagsasagawa ng contact tracing sa mga posibilidad na nakasalamuha ng nagpositibo sa bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Cruz, bilang karagdagang pag-iingat, ang close contacts ng pasyente sa kanilang bahay ay agad dinala sa isolation facility para sa pagsusuri.
Mahigpit din ang isinasagawang surveillance ng CESU sa komunidad sa lugar para malaman kung may presensiya ng clustered cases.
“We have to remain cautious and vigilant to avert the spread of this new variant. What is important is we take care of the resident, and make sure we don’t sow panic in the community,” ani Mayor Joy Belmonte.
Inihayag din ni Belmonte na kailangan nilang patindihin pa ang pagpapatupad ng minimum health standards at agarang pagre-report sa lahat ng mga sistomas, kasunod ng pagkakakumpirma na may bagong variant ng COVID-19 sa siyudad. (BERNARD TAGUINOD/JOEL O. AMONGO)
174
