CAVITE – Pera ang nakikitang dahilan kung bakit dinukot at pinatay ang tatlong miyembro ng LGBT community matapos matagpuan ang bangkay ng mga ito sa isang liblib at mabangin na lugar sa Tagaytay City, sa lalawigang ito.
Ayon kay Pat. Fidel Querijero ng Bacoor City Police Station, bago dinukot si alyas “Erika” ay nag-post ito sa kanyang Facebook account hinggil sa pagkakaroon nito ng pera at mga alahas.
“Siyempre kung ikaw ang kidnapper at nakakabasa ka ng may pera ‘yung tao,” ayon kay Querijero, bagama’t hindi pa nito kinukumpirma na ito ang motibo sa krimen.
Naniniwala rin si Querijero na matapos silang dukutin ng pitong armadong kalalakihan noong Disyembre 19, 2020 ay itinago ang mga ito sa isang lugar hanggang sa pinatay ang mga biktima.
Ayon pa kay Querijero, tatlong tao lamang ang kanilang iniimbestigahan sa nasabing pagdukot kaya kanilang ipinagtaka na may isa pang bangkay na natagpuan sa lugar
Ngunit inamin ni Querijero na blanko pa sila sa tunay na motibo sa pagdukot at pagpatay dahil maging ang mga kamag-anak ng mga biktima ay walang nalalaman na posibleng dahilan ng insidente.
Ayon naman kay P/Major Juan Oruga Jr., hepe ng Tagaytay City Police Station, base sa hitsura ng mga bangkay, bago natagpuan ay pinaniniwalaang apat na araw nang patay ang mga ito.
Ayon pa kay Ortuga, wala pa ring pagkakakilanlan ang ikaapat na natagpuang bangkay dahil wala pang dumarating na kamag-anak nito sa punerarya.
Magugunitang noong Martes nang natagpuan ang bangkay nina Lino Quilaneta alyas “Nicole” at Mark Ian Eridrina alyas “Erika” ngunit pagbalik ng mga awtoridad noong Miyerkoles ng umaga ay dalawa pang bangkay ang kanilang narekober kabilang ang bangkay ni Glejar Bondoc alyas “Ar-ar,” isang ist termer na kagawad ng Brgy. Zapote 1, Bacoor City, at isa pang bangkay ng lalalki na nakabalot sa packging tape at may mga sugat sa katawan, sa masukal na lugar sa Brgy. San Jose, Tagaytay City. (SIGRED ADSUARA)
324 