PANAWAGAN SA CENTURY HIGH HR AGENCY

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

HALOS abot hangang langit na ang pakiusap ni OFW Jovelyn Dumelod na kasalukuyang nasa Saudi Arabia upang siya ay masaklolohan na makaalis na sa kanyang “walang malasakit” na employer.

Si OFW Dumelod ay nakarating sa Saudi Arabia noong Oktubre 24, 2019 sa pamamagitan ng ahensya na Century high HR Agency. Diumano ay takot na takot na sya sa kanyang amo dahil sa naranasan nitong pananakit sa kanya upang pilitin lamang siyang magtrabaho.

Halos dalawang buwan  na siyang hindi binibigyan ng sweldo, kung kaya hindi siya makapagpadala ng pera para sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Bukod pa rito, ay halos wala na rin natitira sa kanyang sinusweldo dahil kinakailangan nya na bumili ng sariling pagkain katulad ng noodles at biscuits para lamang masiguro na hindi siya malilipasan ng gutom dahil hindi naman siya pinapakain ng kanin.

Inirereklamo rin niya na noong panahon na siya ay may karamdaman ay siya pa rin ang bumibili ng sariling gamot at nagbayad sa kanyang pagpapa-ospital.

Ngunit ang labis niyang pinapangambahan ay ang kanyang among babae na halos araw-araw siyang pinapagalitan at minumura. Masaklap pa rito, sa tuwing oras na makikita siya ng anak ng kanyang employer na siya ay pinapagalitan ng kanyang ina, ay nakikihalo rin ito at siya pa ang nanakit sa kanya. Naranasan din ni OFW Dumelod na batuhin ng kutsilyo ng anak ng kanyang employer.

Reklamo rin ni OFW Dumelod ang halos kayod kalabaw na trabaho dahil ­simula pa lamang ng  alas 7:00 ng umaga ay walang tigil ang utos at trabaho na pinapagawa sa kanya at nakakapag-­pahinga lamang siya para ­matulog pagdating ng alas-10:00 ng gabi.

Hindi na rin niya halos makamusta ang kanyang pamilya sa Pilipinas dahil bukod sa wala ng oras sa pahinga ay hindi rin siya binibigyan ng pagkakataon na makagamit ng telepono at Wi-Fi ng kanyang employer. Kinakailangan pa rin niya bumili ng load ng kanyang Wi-Fi para lamang makagamit ng internet.

Ang AKOOFW ay nakiki-usap sa management ng  Century High HR Agency na kanilang kamustahin ang tunay na kalagayan ni OFW Dumelod at siguruhin na nasa mabuti itong kalagayan. At kung sakaling makausap nila ito at napatunayang totoo ang mga sumbong, ay dapat na huwag mag-aksya ng panahon na siya ay masaklolohan upang hindi na lumala ang pinagdaraanang paghihirap sa kanyang amo.

Alalahanin sana ng Century High HR Agency na sakaling tuluyan nilang binalewala ang sitwasyon ng kanilang deployed na worker na si OFW Dumelod, ay kaya nitong ­maghabol at magdemanda laban sa kanilang ahensya.

Hindi magaatubili ang AKOOFW na suportahan ang legal na pakikipaglaban ni OFW Dumelod sakalaing makuwi ito sa Pilipinas na hindi tinulungan ng Century High HR Agency.

Lagi rin sanang alalahanin ng lahat ng mga recruiters na hindi nagtatapos ang responsibilidad nila sa pagpadala lamang ng mga workers, bagkus, ito ay simula pa lamang ng kanilang responsibilidad.

Malinaw kasi sa panuntunan ng Philippine Overseas Employment Administration na “”The rules and regulations of POEA require licensed recruitment agencies or the deployment agencies to monitor the situation of the worker”.

                                                                                                                                                                                    oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin  sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

280

Related posts

Leave a Comment