Kung gaganapin laban ngayon RYAN GARCIA TALO KAY MANNY PACQUIAO

MALUGOD na pagbati kay Juliet Dalupan, kaibigang matalik ng kabiyak kong si Annie mula pa noong nasa kolehiyo pa sila (University of the East) na nakarating na naman sa isang mahalagang pangyayari sa kanyang buhay sa kanyang ika-70 taon noong Miyerkoles, Enero 27.

Si Juliet, maybahay ng namayapang si Ludovino “Ludy” Dalupan, pinsan ng maalamat na coach na si Virgilio “Baby” ­Dalupan, ay nabuhay sa ­mahabang taon bilang isang ­single parent sa kanyang apat
na supling kay Pareng Ludy mula noong ang huli ay naratay sa banig ng karamdaman at ­nagretiro bilang registrar sa UE.

Si Kumareng Juliet, isang CPA tulad in Annie, ang solong nagtaguyod sa anak nila ni Pareng Ludy, mula halos sa kanilang pag-kapanganak hanggang sa pa-aaral, hanggang sila’y nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya. Bagay na iilan lamang sa mga babaeng nakilala ng inyong lingkod ang nakagawa.

Sa iyo, Kumareng Juliet, MALIGAYANG KAARAWAN! Sana’y lumawig pa ang iyong buhay at pamarisan ng mas marami pang mga single ­parent.
oOo

HINDI pa man ­nagsisimula ang negosasyon para sa planong pagtatapat ng Pilipinong kampeon sa walong ­dibisyon na si Manny ­Pacquiao at world ­lightweight titlist na si Ryan Garcia, marami nang balita at ispekulasyon ang naglalabasan sa layong ibenta ang kanilang pagtutuos, kung matutuloy man.

Lubhang napakaaga pa para pagusapan, subalit sa ayaw at sa gusto ng komunidad ng boksing sa daigdig, gusto nang ­malaman ng marami kung kailan ang laban, saan gaganapin, anong ­timbang ang paglalabanan, at sino ang mananalo sa dalawa?

Ang mamamahayag na si Dylan Bowker sa isinulat niya sa SportsBettingDime.com (@SBD on Twitter) ay nagpahiwatig ng kanyang saloobin tungkol sa laban.

Aniya, kung ngayon ­gaganapin ang laban, sa pagsisimula ng pustahan ay lamang si Manny sa odds na -140 kumpara sa +110 para kay Garcia.

Natural na paborito si ­Pacquiao ng mga sugalero batay sa record niya bilang kampeon ng maraming dibisyon at reputasyon bilang, sa edad na 42 anyos, ay ­pinakamagaling sa daigdig sa welterweight o ­147-librang kategorya.

Kung hindi magkakabisala ang plano, si Garcia ay ­mananangan sa pagiging ­aktibo niya sa loob ng nakaraang dalawang taon samantalang si ­Pacquiao ay huling lumaban noon pang Hulyo, 2019 nang
supilin niya si Keith Thurman para mapanatili ang kanyang korona bilang WBA welterweight super champion.

Nitong Enero lamang huling lumaban si Garcia sa kaliweteng si Luke Campbell sa pitong round na interim WBC lightweight bout, pero matatandaang napatumba siya ng huli sa unang round pa lamang bago makahabol.

Si Pacquiao naman ay balak pa lamang harapin si Conor McGregor sa susunod niyang laban, na maaaring ‘di na matuloy dahil sa pagkatalo ng huli sa pamamagitan ng TKO kay Dustin Pourier noon lamang nakaraang linggo.

Ang pinaplanong pagtatagpo sa pagitan ng isang 42-anyos na beterano ng 71 laban kumpara sa isang batambatang ­22-anyos na halos may gatas pa sa labi at wala pang karanasan sa ­malalaking laban, sa totoo lang ay malaking sugal para sa huli.

Malaking bentahe ang 25 taong karanasan ni Manny sa boksing, kung saan nakaipon siya ng ‘di kukulangin sa 12 pandaigdig na korona para tanghaling kaisa-isang nilalang sa kasaysayan ng sweet science na naghari sa walong dibisyon ng kanyang napiling sport.

Kabilang dito ang WBC flyweight, WBC ­super-featherweight, WBC lightweight, IBO/Ring welterweight, WBO ­welterweight at WBC super-welterweight. Si Manny ang kauna-unahang boksingero na nanalo ng pandaigdig na kampenatong lineal sa limang dibisyon.

Kauna-unahan din siya sa kasaysayan na nakamit ang apat na pangunahing titulo sa orihinal na walong dibisyon na kung tawagin ay “glamour”divisions – flyweight, featherweight, lightweight at welterweight.

188

Related posts

Leave a Comment