APRUBADO na kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang balak ng University of Sto. Tomas na makapagdaos ng limitadong face to face classes para sa kanilang medical, allied health programs.
Napag-alaman, inaprobahan ng alkalde ang plano ng pamunuan ng UST sa kabila ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ayon kay Moreno, nakipagpulong siya sa UST officials para ipakita at ipaalam kung paano maipatutupad ang health and safety protocols, contingency plan sa mga estudyante at faculty staff upang hindi makapag-develop ng mga sintomas ng COVID-19.
Nalaman na isang joint memorandum circular ang nabuo sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Department of Health (DOH) kung saan ang higher educational na nagbabalak magkaroon ng limitadong face to face classes ay dapat na kumunsulta sa nasasakupang local government unit para sa kanilang pagtugon sa government protocols.
“Consider it approved. We will just follow the memoranda of CHEd,” dugtong pa ng alkalde.
Gayunman, pinaalalahanan ng alkalde ang UST officials na huwag pilitin ang mga estudyante kung ayaw ng mga ito ng sa face to face classes.
“Huwag niyong pilitin ang ayaw, kasi baka may masabi sa inyo,” dagdag pa ng alkalde.
Kasama sa pulong sina Vice Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, UST Vice Rector for Academic Affairs Dr. Cheryl Peralta, UST Faculty of Medicine Dean Dr. Odette Maglinao, UST College of Rehabilitation Sciences Dean Dr. Anne Aseron, at Justice Jose Abad Santos General Hospital Director Dr. Merle Sacdalan. (RENE CRISOSTOMO)
181
