House leader kinalampag UTANG NG MGA LOPEZ BINUHAY NI DEFENSOR

KINALAMPAG ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco dahil imbes na ituloy ang imbestigasyon sa utang ng mga Lopez sa Development Bank of the Philippiens (DBP) ay ibibigay na lamang umano ito sa Office of the Ombudsman.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Defensor na tulad ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi maganda sa bansa na suspendehin ang imbestigasyon sa utang ng mga Lopez sa DBP dahil hindi biro ang halagang sangkot.

“Importante Mr. Speaker ang sinabi ng pangulo na kung ano ang ating aksyon at kung ano ang gagawin ng Kongreso ukol sa imbestigasyon na ito. Dahil ang reputasyon, ang ating panunungkulan: our duties and responsibilities here in Congress in particular, the committee on good government, has to pursue the investigation until its final conclusion,” ani Defensor.

Magugunita na nang maupo si Velasco ay ipinatigil nito ang imbestigasyon sa lahat ng committee kasama na ang isyu sa P1.6 billion na inutang ng mga Lopez sa DBP subalit hindi pinabayaran.
Matapos nito ay tinanggal ni Velasco bilang chairman ng nasabing komite si Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado at ipinalit si DIWA party-list Rep. Michael Edgar Aglipay.

Kasama ang naturang halaga sa P9 billion na inutang ng iba’t ibang grupo at negosyante na pinatawad ng DBP at isinailalim sa Special Purpose Vehicle na binili ng isang pribadong kumpanya sa halagang P3 billion para siya na lamang maningil sa mga pautang na ito ng nasabing bangko.

“Kagabi nagalit siya (Duterte) sa Kongreso. Bakit natin ihihinto at ibibigay sa Ombudsman? Ang tanong ko, Mr Speaker: Ano ang ating gagawin?,” ani Defensor.

“Ang tanong ko sa ating liderato ng Kongreso, hindi ko na babanggitin dahil sabi ni Congressman (Bernadeth) Herrera, huwag ko nang banggitin ang pangalan ni Speaker Lord Velasco…ano ang aksyon na ating gagawin tungkol sa imbestigasyon na ito?,” ani Defensor.

Mahalaga aniyang matapos ang imbestigasyon at makagawa ang Kongreso ng batas upang hindi na maulit ang ginawang ito ng nasabing bangko sa utang ng mga Lopez.

“Dahil ang pera ng DBP ay pera ng taumbayan. Yan po ay pera ng gobyerno at responbilidad ng Kongreso na hindi payagang maulit ang pagkawala ng pondong ‘yan dahil ang perang ‘yan ay hindi perang pribado kundi pera ng sambayanan,” saad pa ng mambabatas.

Isiniwalat din ni Defensor na tinangka umanong pigilan ni Herrera upang huwag nang talakayin ang nasabing isyu.

Tinangka rin ni Quezon City Rep. Kit Belmonte na ipabura sa record ng Kamara ang speech ni Defensor, bagay na kinontra ng huli at idinepensa ang kanyang pagtayo. (BERNARD TAGUINOD)

206

Related posts

Leave a Comment