INAPRUBAHAN ng Senado ang panukalang magsasaayos sa umiiral na batas at magtatatag ng regulasyon sa lokal na industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) upang pangalagaan ang kapakanan ng konsyumer laban sa tiwaling negosyante at mapadali ang pagpapalit ng tangke ng mga mamimili, ayon kay Senador Win Gatchalian.
“Ang layon natin dito ay siguruhing may pamantayan ang industriya upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili. Nais din natin silang bigyan ng pagkakataong makapamili ng tatak ng LPG. Sa ngayon kasi, kung gusto mong magpalit ng tatak ng LPG dahil mas mura, kailangan mo munang bumili ng bagong tangke o silindro,” aniya sa isinasaad ng Senate Bill No. 1955 or the proposed LPG Act.
Ipinunto ni Gatchalian ang kawalan ng regulatory framework para pangasiwaan ang lokal na industriya ng LPG, dahilan kaya hindi matugunan ang mga isyung may kinalaman sa LPG katulad ng mga aksidenteng nangyari sa Serendra condominium complex sa Taguig City noong 2013, gayundin ang nangyari sa isang water refilling station sa Sampaloc noong 2019 at ang pinakahuli, sa isang restaurant sa Makati City. Lahat ng ito ay sanhi ng pagsabog ng LPG.
Ayon sa Energy Committee chairman, mahalaga na matiyak ang ligtas na paggamit ng LPG lalo pa’t maaari itong pagmulan ng sunog at pagsabog kung hindi tama ang pamamahala nito.
Ang panukalang National Energy Policy and Regulatory Framework for the Philippine LPG Industry ay layong magtatag ng LPG Cylinder Improvement Program para masiguro na ang mga depektibong tangke ay mawala na sa sirkulasyon at mapalitan ng mga bago nang sa gayon ay mabawasan ang mga pagsabog at sunog dulot ng LPG.
Sa ilalim ng nasabing batas, magkakaroon din ng Cylinder Exchange and Swapping Program para mas maging madali sa konsyumer ang pagpapalit ng tatak ng LPG. Maaari na silang bumili ng ibang tatak ng LPG gamit ang lumang tangke sa kahit saang retail outlet.
Marami nang bersyon ng panukalang batas ang inihain mula pa noong 2004 sa pag-asang makapagtatatag ng national energy policy and regulatory framework upang pamahalaan ang importasyon, refining, refilling, transportasyon, pagdadala, distribusyon at pagtitinda ng LPG pati na rin ang produksyon, requalification at pagpapalit ng LPG pressure vessels.
Ang domestic consumption ng LPG ay patuloy na tumataas ng anim na porsyento taon-taon ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). (ESTONG REYES)
162 