TATANGGAP ang isang kumpanya ng Business Process Outsourcing (BPO) ng 80,000 hanggang 100,000 empleyado ngayong taon dahil mataas ang demand sa nasabing industriya kahit may pandemya ng COVID-19.
Sabi ni Jojo Uligan, presidente ng Contact Center Association of the Philippines (CCAP), isa ang kumpanyang Alorica na nangangailangan ng mga bagong empleyado ngayong taon.
Karamihan sa mga kumpanya ng BPO ay nakabase sa Lungsod ng Makati, Taguig (partikular sa Bonifacio Global City) at Lungsod ng Mandaluyong.
Ani Uligan, nangangailangan ng mas maraming manggagawa ang industriya ng BPO dahil sa pagtaas ng demand ukol sa support services para sa pangkalusugan, e-commerce, e-retail, lohistika at iba pa.
Idinagdag ng presidente ng CCAP na mayroong pagtaas ng produksyon sa maraming industriya na kailangang suportahan ng BPO sa kabila ng nararanasang pandemya sa bansa.
Batay sa pahayag ni Uligan, makatutulong ang industriya ng BPO sa paglutas sa problema ng bansa tungkol sa unemployment na umabot sa limang milyon noong 2020, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Nadagdagan pa ito ng 133,315 noong Enero, ayon pa rin sa ulat ng DOLE. (MARINHEL T. BADILLA)
