PINURI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pag-apruba ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Magna Carta of Barangay Health Workers, na aniya’y mahalagang hakbang upang matugunan ang mataas na antas ng stunting o pagkabansot ng mga bata sa bansa.
“It’s an honor to see this measure passed today. Marami pang kailangan gawin, pero napakalaking step nito,” ani Cayetano, co-author ng Senate Bill No. 1905, sa plenary session noong Agosto 3.
“This bill is a recognition na walang healthy na nation kapag hindi healthy ang mamamayan,” dagdag niya.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang papel ng mga Barangay Health Worker (BHW) sa paghahatid ng pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Kapag naisabatas, magkakaroon ng hindi bababa sa ₱3,000 buwanang honorarium ang mga rehistradong BHW, kasama ang transportation at hazard allowance, libreng legal assistance, loyalty incentives, cash gifts, insurance coverage, at mental health services.
Itinatakda rin ng panukala ang pormal na sistema para sa registration, certification, professional development, at pagsasanay ng mga BHW.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ang papel ng mga BHW sa pagtugon sa child stunting sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga buntis, sanggol, at maliliit na bata.
“We have again and again emphasized that stunting or pagkabansot is a national security problem. Statistics show that almost one-fourth ng ating mga kababayan are in danger of falling into stunting,” ani Cayetano.
“The antidote or the solution to stunting really has to do with the Barangay Health Workers.”
Binanggit din ng senador ang Taguig bilang halimbawa ng matagumpay na community-based healthcare program, kung saan pinakamababa ang stunting incidence sa Metro Manila.
Ayon kay Cayetano, malaking bahagi ng tagumpay na ito ang mga Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholars.
Ipinaalala rin niya na noong 2024 pa niya isinusulong ang pagtugon sa stunting sa pamamagitan ng Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act of 2025, na nananatiling nakabinbin sa antas ng komite.
Sinabi rin ni Cayetano na kabilang sa pinagsamang bersyon ng panukala ang kanyang “Mahal Ko, Barangay Health Worker Ko Law,” na naglalayong palawakin ang proteksiyon, benepisyo at suporta para sa mga BHW.
Binigyang-diin pa ng senador na dapat kilalanin ang mga Barangay Health Worker bilang mahalagang bahagi ng healthcare system ng bansa.
“We took a giant step today for BHWs, but there is so much more that we can do to build a health system that we can all be proud of.”
Hinimok din niya ang Senado na ipasa ang iba pang panukalang magpapalakas sa healthcare system kasunod ng Magna Carta for Barangay Health Workers.
67 