PAGBUBUKAS NG EKONOMIYA BALANSEHIN -SOLON

INIHAYAG ni Senador Grace Poe na kung magliligtas ng buhay at unti-unting bubuksan ang ekonomiya, kailangan ang balancing act sa gitna ng pananalasa ng pandemya ng COVID-19.

Sa pahayag, iginiit ni Poe na dapat maglatag na ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa maayos na implementasyon ng inoculation program.

“A strong vaccination program should accompany the reopening of businesses,” ayon kay Poe.
Kabilang dito, ayon pa kay Poe, ang preparasyon ng mga pagamutan at iba pang itinalagang vaccination sites, pagsasanay ng tauhan at pagsusuri sa master list ng mga sektor at indibidwal na magiging prayoridad sa pagbabakuna.

Naunang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 1994 o ang Vaccine Passport Act na naglalayong magpalabas ng vaccine passport sa indibidwal na nabakunahan kabilang ang estudyante, lokal na manggagawa at overseas Filipino workers (OFWs).

Magsisilbi ang naturang dokumento bilang katibayan na nabakunahan na upang makatulong sa agarang pagbabalik sa trabaho ng manggagawa kabilang ang OFWs na sinalanta ng pandemya.

“The vaccine certificate will give our workers the advantage to get hired as they already have the proof of protection from the virus. Getting more Filipinos employed will boost our comeback from the economic downturn,” ayon kay Poe.

Sa ilalim ng panukala, maglalaman ng vaccine records ng lahat ng uri at dahilan ng bakuna na ibinigay sa holder, kabilang ang batch number ng bakuna kung kanino galing, petsa nang pagtuturok at kung sino at anong institusyon ang nagbakuna.

Naunang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang rekomendasyon ng Metro Manila mayors na isailalim ang National Capital Region sa maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) mula sa kasalukuyang general community quarantine.

Nagdesisyon ang IATF kasunod na panawagan ng National Economic Development Authority (NEDA) na kapag pinaluwag ang quarantine, malaki ang maitutulong nito sa mas maraming aktibidad sa ekonomiya at isulong ang kaunlaran.

Ang pangulo ang magbibigay ng pinal na pag-aapruba sa rekomendasyon ng IATF.

“If such planned shift to MGCQ is deemed proper, it should be complemented by allowing more public vehicles to ply the road and increasing passenger capacity to accommodate the expected influx of commuters,” ani Poe.

“With strict adherence to health protocols, the readiness of the transportation system is important to shield the people from the hardships of commuting when they go out of their homes,” dagdag ng senador. (ESTONG REYES)

132

Related posts

Leave a Comment