GINAGAMIT umano ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mga pagpapakita sa The Hague, Netherlands upang palakasin ang kanyang political base para sa 2028 elections habang ang kanyang mga abogado ang humaharap sa impeachment trial sa Senado.
Ito ang pahayag ni House impeachment trial spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos ang isinagawang “Free Duterte Now” rally sa labas ng International Criminal Court (ICC) na dinaluhan ni Duterte.
“Una, I think nagra-rally lang siya ng support talaga eh. That’s how we see it,” ani Adiong.
Matatandaang inanunsyo ni Duterte noong Pebrero ang kanyang planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon kay Adiong, ang mga aktibidad ng Bise Presidente sa ibang bansa ay bahagi na rin ng pagpapatibay ng kanyang suporta mula sa iba’t ibang sektor.
“Kaya nga nakikita natin na itong ginagawa ng bise presidente ay nagiging kampanya na siya in a way,” dagdag niya.
Kasabay ng pananatili ni Duterte sa The Hague, patuloy na tinatalakay ng Senate Impeachment Court ang mga testimonya at dokumentong may kaugnayan sa umano’y P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Kinakaharap ni Duterte ang mga reklamong may kaugnayan sa confidential funds, unexplained wealth, bribery, at grave threats.
Iginiit ng House prosecution panel na nilabag umano ng Bise Presidente ang Konstitusyon at hindi na siya karapat-dapat manatili sa kanyang posisyon.
“Makikita naman ng taong bayan sa ating impeachment trial kung talagang worthy siya to be our next leader,” ani Adiong.
(TINA MENDOZA)
41 