PINAKALMA ng Palasyo ang publiko sa napipintong pagkakaroon ng face-to-face classes sa gitna ng itinutulak na pagsasailalim sa bansa sa moderate general community quarantine.
Maaaring limitahan lamang umano sa ilang oras ang face-to-face classes sakali at aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pilot testing ng “in-person classes” sa mga lugar na may low risk ng COVID-19 transmission.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakatakdang magpulong sina Pangulong Duterte at ang gabinete nito ngayong Lunes at kabilang sa pag-uusapan ay kung papayagan na ang in-person classes.
“Hindi naman sinabi na palibhasa face-to-face ‘yan po ay 8 hours 5 days a week. Pwede naman one hour per week, 3 hours per week, basta meron lang pong kombinasyon ng module, ng computer-aided at saka face-to-face kung kinakailangan makipag-ugnayan sa mga guro,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, sinuspinde ni Pangulong Duterte ang pilot testing ng in-person classes bunsod ng bago at mas nakahahawang COVID-19 variant na nakumpirma sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang Pilipinas na lamang sa mga bansa sa Southeast Asia ang hindi pa bumabalik sa face-to-face classes. (CHRISTIAN DALE)
