SEC. DIZON ‘NAMANHID’ SA CORONAVAC

HINDI pa batid kung may kinalaman ang napaulat na pagtaas ng presyon ng dugo o namanhid na sa dami ng suliraning dala ng COVID-19, si National Task Force Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon kaya’t wala umano siyang anumang naramdaman nang tarakan ng Coronavac, ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac Biotech, noong Lunes sa pagsisimula ng rollout ng vaccination program ng pamahalaan.

Ayon kay Dizon, na binakunahan sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Medical Hospital (dating Tala Hospital) sa Caloocan City, mas masakit ang bakuna laban sa trangkaso kaysa Coronavac.

Dagdag ni Dizon, kung sa bakuna sa trangkaso ay nakaramdam siya ng sakit, “dito wala akong naramdaman at all.”

Ayon naman kay JNRMMH Director Dr. Fameran, kung may pagpipilian ay bakuna ng Pfizer ang gusto niyang maiturok sa kanya pero umayon siyang magpabakkuna ng Coronavac dahil “we need protection at the soonest possible time.”

Samantala, bagama’t nais na ring magpabakuna upang mas tumaas ang kumpyansa ng mga mamamayan sa Coronavac, kasama sa mga hindi inirekomenda ng Department of Health para sa Coronavac ang 65-anyos na si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, na nakiisa sa unang araw ng vaccination rollout sa isa sa COVID-19 referral hospitals sa bansa, ang JNRMMH.

Napag-alamang hindi advisable sa mga senior citizen ang bakunang gawa ng Sinovac.

“Kahit na gusto po natin ay kailangan po natin sumunod sa guidelines ng pamahalaang nasyunal. Nawa sa susunod na dating ng bakuna ay makapagpabakuna na ako para mas mahikayat ang mga taga-Caloocan na magpabakuna rin,” ani Malapitan.

Inihayag ni Malapitan ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang nasyunal at sa lahat ng magigiting na health workers na nasa unahan ng laban sa pandemya.

“May panlaban na po tayo. Huwag po natin sayangin ang pagkakataon na ito. Hangga’t maaari ay magpabakuna po tayo para sa unti-unting pag-ahon natin sa pandemyang ito,” ayon sa alkalde. (ALAIN AJERO)

103

Related posts

Leave a Comment