LUMUTANG sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 20 operatiba ng District Special Operation Unit ng Quezon City Police District (QCPD) upang magbigay ng kanilang paliwanag kaugnay sa nangyaring ‘misencounter’ sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Pebrero 24 sa Commonwealth Avenue sa nabanggit na lungsod.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga ito sa mga miyembro ng media at sinabing sa NBI muna sila magbibigay ng kanilang panig hinggil sa insidente.
Nabatid na nagbigay na rin ng kanilang paliwanag ang ilang miyembro ng PDEA hinggil sa nangyaring ‘misencounter’ sa QCPD.
Una nang sinabi ng mga ahente ng PDEA na sila ay tinortyur ng mga tauhan ng QCPD noong sila ay arestuhin.
Nabatid na lima ang namatay sa insidente, kabilang ang dalawang pulis, isang PDEA agent at isang ‘asset’.
Samantala, isasailalim sa digital examination ang mga cellphone ng mga operatiba na kasama sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
301 