(BERNARD TAGUINOD)
PINABABANTAYAN sa Department of Health (DOH) ang medical bills ng mga pasyente ngayong dumarami na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa mga pribadong pagamutan.
“In the meantime, I urge the DOH to issue regulations against abusive private hospital practices. A hotline on the matter is also important,” ani Albay Rep. Joey Salceda.
Ginawa ng mambabatas ang kautusan sa DOH dahil bukod sa mga pasyente ng COVID-19 ay nasa-shock umano ang ibang pasyente sa laki ng kanilang bill dahil maraming bayarin ang ipinapatong ng mga pribadong pagamutan.
Magugunita na umulan ng reklamo sa kasagsagan ng COVID-19 noong nakaraang taon dahil sa Personal Protective Equipments (PPEs) na pinababayaran ng mga pagamutan sa pasyente.
Sinabi ng mambabatas na tinulungan na ng gobyerno ang mga private hospital sa pamamagitan ng paglibre sa mga ito ng buwis sa binibiling PPEs kaya walang dahilan para pahirapan pa ang mga pasyente.
“With the CREATE Act, we are also reducing the income tax of private non-profit hospitals from 10% to 1% until 2023. They must also help our countrymen,” ayon pa sa mambabatas.
AYUDA
Iginiit din ng mambabatas sa Malacañang na suportahan na ang panukalang bigyan ng panibagong ayudang pinansyal ang mamamayan dahil matitigil o babagal ang pagrekober ng ekonomiya sa panibagong COVID-19 surge.
Magugunita na hindi sinuportahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang P10,000 kada pamilya na panibagong ayuda dahil magbubukas na rin naman umano ang ekonomiya.
Ito sana ang ikatlong ayuda dahil nauna na ang Bayanihan 1 at 2 kung saan binigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga pamilyang labis na naapektuhan sa COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.
“The recent rise in cases will undoubtedly slow down the recovery of consumer and business confidence, whether we open the economy or not. I urge the Cabinet to be more open to additional relief in this difficult period,” ani Salceda.
VACCINATION BILISAN
Kinalampag din ng ilang mambabatas ang gobyerno na bilisan ang mass vaccination dahil kung hindi ay lalong malulugmok ang ekonomiya sa muling pagdami ng kaso ng COVID-19.
Halos lahat ay nababagalan sa mass vaccination dahil hanggang 30,000 kada linggo lamang umano ang nababakunahan gayung 70 million Filipinos ang dapat mabakuhanan para makamit ang herd immunity.
Ayon sa netizens, kung ganito karami lang ang kayang bakunahan ng gobyerno kada linggo ay aabutin ng 2,333 linggo o 44 taon bago mabakunahan ang 70 milyong Pilipino
149 