HUMARAP kahapon sa impeachment court si NBI Senior Agent Sta. Ana Calilong, unang testigo ng prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa alegasyong pagbabanta ng Bise Presidente sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan. (SPPA Pool/DANNY BACOLOD)
SINIMULAN ng impeachment court ang pagdinig sa Article IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Unang iniharap ng House prosecution panel bilang testigo si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Sta. Ana Calilung, na nagsagawa ng pagsusuri sa video at digital recordings ng umano’y pagbabanta ng bise presidente.
Tinangka ng defense panel na ipaalis bilang testigo si Calilung dahil hindi umano ito kabilang sa listahan ng mga testigong naunang isinumite sa impeachment court.
Gayunman, hindi pinagbigyan ni Impeachment Court Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng depensa at ipinaliwanag na maaari pang magdagdag ng mga testigo at ebidensya habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Sa direct examination ng prosekusyon, ipinalabas sa impeachment court ang video footage ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban sa Pangulo at iba pang personalidad.
Tumagal ng mahigit dalawang minuto ang ipinakitang video, na tinutulan ng depensa sa pagsasabing dapat ang buong video na mahigit dalawang oras ang haba ang ipalabas.
Maging si Senator-Judge Alan Peter Cayetano ay nagpahayag na mas mainam na buong video ang ipakita, ngunit nagpasya si Escudero na maaaring gawin ito sa panahon ng cross-examination ng depensa.
Bago ang presentasyon ng testigo, sinabi ni House prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na ang mga ikinikilos at pahayag umano ng Bise Presidente ay hindi simpleng usaping kriminal kundi posibleng paglabag sa Saligang Batas.
Binigyang-diin din niya na ang anomang kapangyarihang ipinagkakaloob sa isang opisyal ng pamahalaan ay may kaakibat na pananagutan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
39 