“BAWAL na po ngayong lumabas ng Metro Manila kung hindi kinakailangan or essential travel lang po.”
Ito ang paalala ni Presidential spokesperson Harry Roque sa mga byahero o nais magpunta ng probinsiya para gunitain ang Mahal na Araw.
Sinabi ni Sec. Roque na tanging ang mga essential travel ang papayagan sa bubble area na sakop ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal mula Marso 22 hanggang Abril 4, kabilang na ang Holy Week holidays.
“Sana maintindihan ng lahat na this is for the common good. Alam po natin na nagplano na kayo at talagang you are looking forward to this Holy Week break, pero kung papayagan po tayo ng unimpeded travel, ngayon ay talagang mas mapapabilis ang pagkalat ng new variant sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at ‘yan ang ating iniiwasan,” ayon kay Sec.Roque.
Aniya, ang modes of transportation papunta at mula sa bubble area ay mananatiling operational, subalit ang mga non-essential traveler ay paparahin ng mga awtoridad.
Tanging ang mga uuwi sa kanilang tahanan at pupunta ng trabaho ang papayagan “in and out of the areas”.
Hindi naman nilinaw ng kalihim kung bawal mag-swimming o kung suspendido ang operasyon ng mga resort.
Ang paglilinaw ni Sec. Roque, “as part of the restrictions announced on Sunday, as approved by President Rodrigo Duterte following the endorsement of the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).”
Sa kabilang dako, hindi na rin aniya puwedeng tumawid ang nasa Batangas sa Metro Manila maliban na lamang kung ito’y essential travel din. (CHRISTIAN DALE)
230
