PAG-UUSAPAN ng National Immunization Technical Advisory Groups (NITAGs) ang panukala na itutok muna ang mga parating na bakuna sa Metro Manila dahil sa nangyayaring pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Tingin ko naman po, walang magiging hadlang dito,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Gayunpaman, tiniyak ni Sec. Roque na hindi nagbabago ang estratehiya na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino ngayong taon.
Sa ulat, target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 50 milyong Pilipino ngayong taon, ayon kay Secretary Vince Dizon.
Sinabi ni Dizon na upang maisakatuparan ang pagbabakuna sa 50 milyong Pinoy, kailangang maturukan ang nasa 250,000 hanggang 300,000 kada araw.
“We have a goal of inoculating of about 50 million Filipinos this year. To achieve that target we need to, for the remainder of the year, especially when the bulk of the vaccine comes in, give roughly about 250,000 to 300,000 per day,” ani Dizon.
Sinabi rin ni Dizon na inaasahang darating ang maraming bakuna laban sa COVID-19 ngayong taon.
Nauna rito, nagsimula na ang pagbibigay ng bakuna sa mga medical frontliner noong nakaraang linggo matapos dumating sa bansa ang donasyon ng China na gawa ng Sinovac.
Nasa 1.1 milyon doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang dumating na sa bansa kung saan 600,000 doses ay gawa ng Sinovac at nasa 500,000 doses ang mula sa AstraZeneca.
Kinumpirma rin ni Dizon sa Laging Handa public briefing na bukod sa 600,000 doses na Sinovac vaccine, mayroon pang parating na 400,000 dagdag na bakuna. (CHRISTIAN DALE)
189
