DATING KAGAWAD ITINUMBA NG TANDEM

PATAY ang isang negosyanteng dating barangay kagawad matapos pagbabarilin ng riding in tandem noong Linggo ng hapon sa Malabon City.

Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng mga tama ng bala sa katawan, ang biktimang si Ricky Legaspi, 51, residente sa Adante St., Brgy. Tañong.

Lumabas sa inisyal na imbestigayon ng pulisya, dakong alas-2:20 ng hapon, nagtungo ang biktima sa Estrella St., Brgy. Tañong at nang iparada ang kanyang motorsiklo ay pinagbabaril ng hindi kilalang gunman.

Pagkaraan ay mabilis na sumakay ang gunman sa gate-away motorcycle na minamaneho ng kasama nito at tumakas patungo sa hindi nabatid na direksyon.

Isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya para mabatid ang pagkakakilanlan ng mga suspek at posibleng motibo sa krimen. (FRANCIS SORIANO)

166

Related posts

Leave a Comment