HETO NA NAMAN ANG CHINA

TALAGANG hindi tumitigil si Chinese President Xi Jinping sa pag-agaw sa ating teritoryo sa West Philippine Sea dahil sa kabila ng pagkondena sa kanilang mga ilegal na ginagawa ay patuloy sila sa pananakop.

Puwede nang ituring ang China bilang “modern conqueror” at isa tayo sa mga bansang puntirya dahil alam nilang wala tayong kakayahang lumaban sa kanilang military.

Isa din sa posibleng dahilan bukod sa pagkontrol sa highway ng world trade ay alam nilang hindi pa nagagalaw ang yaman ng Pilipinas sa

West Philippine Sea kaya gusto nilang bakuran ang teritoryo natin para sila ang makinabang sa langis at iba pang yamang dagat na dapat sana ay mga Filipino ang makinabang.

Lalong lumalakas ang loob nila na gaguhin tayong Lahing Kayumanggi dahil alam nila na hindi papalag ang mga lider na ang turing sa kanila ay kaibigan at marami kuno silang naitutulong sa atin.

Ayaw kong isipin na ang tila pananakop na naman ng China sa Julian Felipe Reef ay kapalit ng ibinigay nilang Sinovac vaccines sa Pilipinas para labanan ang COVID-19 na sa bansa din naman nila nagmula.

Pero kung pag-iisipan mong mabuti ang nangyayari, pinaligiran ng 220 chinese militia vessel ang Julian Felipe Reef isang linggo pagkatapos magdonate ang China ng 600,000 doses ng Sinovac Vaccines.

Tinanggap ni Pangulong ­Rodrigo Duterte ang Chinese vaccine noong Pebrero 28, 2021 na abot langit ang pasasalamat kay Jinping pero habang tinatanggap ang bakuna ay nagmamartsa o naglalayag na pala ang 220 militia fishing vessel patungo sa Julian Felipe Reef at narating nila ang teritoryo natin noong Marso 7.

Ito na ang ika-9 na teritoryo ng Pilipinas na mapapasakamay ng China kapag binalewala nila ang ating protesta dahil matagal na nilang hawak ang Mischief Reef, Johnson South, Cuarteron, Fiery Cross, Subi Reef, McKennan Reef at Gaven Reef.

Tinayuan na nila ang mga teritoryong ito ng kanilang military facilities at isinailalim na sa ­gobyerno ng Hainan province ang lugar na ito. At kahit wala pa silang naitatayong pasilidad sa ­Scarborough Shoal ay guwardiyado na nila ito kaya hindi na nakakapasok ang ating mga mangingisda.

Biglang nangako ulit ng karagdagang 400,000 doses ng sinovac vaccine ang China nang matuklasan ng Pilipinas ang panibago nilang panggagago sa atin sa loob ng ating teritoryo.

Sana, hindi ang mga Sinovac doses na ito ang dahilan kaya nananahimik ang Malacañang at sana hindi ito ang kapalit ng ating teritoryo dahil kapag totoo ang pangambang ito ng mga Filipino, hindi na yan katanggap-tanggap sa lahing Kayumanggi.

May hangganan lahat ng panggagago ng isang tao. Hindi habambuhay ay puwede mong gaguhin ang kapwa mo at sana magsalita na dito si Pangulong Duterte at huwag ipaubaya lang kay Foreign Secretary Teddy Boy Locsin ang pagpoprotesta.

Sana hindi na namin marinig ulit ang lagi naming naririnig na wala tayong laban sa China at ayaw isugal ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa teritoryo.

Kung alam lang ng gobyerno na gigil na gigil ang mga Filipino sa nangyayari sa WPS dahil ipinaglaban tayo ng mga ninuno natin para makalaya sa mga sumakop sa atin pero eto ngayon, may mga lider tayo na hinahayaan tayong sakupin ng modern conqueror.

Huwag sanang hahayaan ng gobyerno, hindi lamang ng kasalukuyang adminstrasyon, kundi ng susunod na ­administrasyon, na sumambulat nang ­tuluyan ang gigil ng mga tao. Ipaglaban nyo naman ang bansa natin! Isa yan sa sinumpaan nyong tungkulin. Hindi lang sa giyera puwedeng lumalaban lalo na ngayong panahon.

 

197

Related posts

Leave a Comment