ISANG police major at apat na mga tauhan ang inaresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa umano’y robbery extortion sa Zamboanga City noong nakaraang Lunes.
Kinilala ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang inaresto na si P/Major Orlyn Leyte, Officer in-Charge ng Police Station 9, Zamboanga City Police Station at apat nitong mga tauhan na pawang mga miyembro ng PS9 Station Drug Enforcement Unit, na sina PSSgt. Hegenio Salvador, PSSgt. Asser Abdulkadim, P/Cpl. Ismael Sasapan at P/Cpl. Juman Arabani.
Ang mga ito ay inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Mindanao Field Unit (MFU), IMEG, RIU9, RID, RSOG-PRO9, HPG9, Zamboanga CPS at 55th SAC sa law enforcement operation dakong alas-6:45 ng gabi sa Brgy. Ayala, Zamboanga City.
Isinagawa ang entrapment operation matapos humingi umano si Major Leyte ng halagang P90,000 sa biktimang si Mrs. Melanie Casabuena Saloria, 57, businesswoman, residente ng Zone 3B, Brgy. Cawit, Zamboanga City bilang areglo sa umano’y pagkakasangkot ng ginang sa illegal drug activity.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery extortion at paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees). (JOEL O. AMONGO)
303
