INILATAG at inisa-isa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang mga dapat asahan ng publiko sa ipatutupad na Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite simula Marso 29 hanggang Abril 4 ng taong kasalukuyan.
Kabilang na rito ang mga essential at priority construction projects mapa-publiko man o pribado ay papayagan aniyang mag-operate alinsunod sa ilalabas na guidelines o alituntuin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukas aniya ang mga pampublikong transportasyon kahit ECQ.
Bababa lamang ang kapasidad at ang final capacity ay ilalabas ng Department of Transportation.
Ang pagtitipon-tipon naman aniya o gathering ng higit sa 10 katao sa labas ng pamamahay ay ipinagbabawal.
“Pinagbabawal nga po natin ang lahat ng mass gathering pati po iyong pinayagan nating simba.. bawal na pong muli,” ayon kay Sec.Roque.
Pagdating naman aniya sa KBL o Kasal, Binyag at Libing ay pinapayuhan na dapat ay immediate members ng pamilya lamang ang maaaring dumalo at hindi aniya hihigit sa 10 katao.
Hindi naman aniya puwedeng lumabas ang nasa “below 18 years old” at “over 65 years old” kasama ang mga buntis, may immunodeficiency, comorbidity o iba pang health risks maliban na lamang kung may bibilhing essential goods at services.
“Alam po ninyo, itong populasyon na ito ay sila po talaga ang tinatamaan ng matindi ng ating kalaban na COVID-19,” ayon kay Sec. Roque.
Mas pinaigting pa aniya ang curfew sa Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at NCR dahil gagawin itong alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ang APORs (Authorized Persons Outside Residence), manggaawa, cargo vehicles, at public transportation ay hindi sakop ng curfew.
Kailangan lamang aniyang magdala ng ID na magpapatunay kung bakit kinakailangan na lumabas ng bahay.
Pinaalala rin ni Sec. Roque na hindi na kailangan pa ang travel pass.
Samantala, mananatili naman aniyang bukas ang mga mall para sa essential stores gaya ng groceries at pharmacies, hardware stores.
Ang mga restaurant naman ay bukas para sa mga take-out at delivery.
“Kahit ano na pong dine-in kahit pa al fresco, hindi na po pupuwede,” paalala pa ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
183
