Ngayong extended ang ECQ HOUSE-TO-HOUSE SEARCH SA COVID POSITIVE PAIIGTINGIN

PAIIGTINGIN pa ang paghahanap sa mga taong may sintomas ng COVID-19 sa pamamagitan ng house-to-house search na isasagawa sa mga barangay.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Sabado, ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na i-extend and enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ng isa pang linggo simula ngayong Lunes hanggang Abril 11, 2021.

Inirekomenda kasi ng IATF na pahabain pa ang ECQ ng “minimum” na isang linggo sa buong Metro Manila at sa mga lalawigan ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal na bumubuo sa NCR Plus bubble.

“Inuulit ko po, one more week at least ng ECQ sa Metro Manila, Laguna, Bulacan,Cavite at Rizal,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Kasabay nito ay kinakailangan na paigtingin ang tinatawag na Prevention, Detection, Isolation, Tracing at Reintegration (PDITR).

Dahil dito aniya ay nire-require na magkaroon ng daily monitoring ang mga lokal na pamahalaan, ang MTF czars para malaman kung ano ang resulta ng pinaigtig na PDITR.

Kasama aniya sa tinatawag na PDITR ang pagbabahay-bahay, paghahanap ng mga mayroong sintomas at pagsa-subject sa mga ito RT-PCR testing at isolation.

Pagdating naman aniya sa health capacity, sinabi ni Sec. Roque na kinakailangan itong pataasin.

Samantala, nanawagan ang Malakanyang sa mga puwedeng magpabakuna na samantalahin ang pagkakataon. (CHRISTIAN DALE)

166

Related posts

Leave a Comment