NADAGDAGAN pa ng 21 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area batay sa ulat ng city health offices ng nasabing mga lungsod habang umakyat na sa 4,814 ang active cases.
Napag-alaman, walo ang patay sa Valenzuela City noong Abril 5 at 978 ang active cases matapos na 331 ang gumaling at 118 ang nagpositibo. Umakyat na sa 13,657 ang confirmed cases sa siyudad, kung saan 12,343 na ang gumaling at 336 na ang namatay.
Lima naman ang patay sa Caloocan City noon ding Abril 5 at 1,265 ang active cases. Umabot na sa 19,275 ang nasapol ng virus sa lungsod at sa bilang na ito ay 17,443 na ang gumaling at 567 na ang namatay.
Apat naman ang namatay sa Navotas noong Abril 4 at 1,424 ang active cases makaraang 279 ang magpositibo at 115 lamang ang gumaling. Sumampa na sa 8,845 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 7,167 na ang gumaling at 254 na ang namatay.
Nabatid naman sa Malabon City Health Department na apat ang namatay sa COVID-19 sa lungsod noong Abril 5 at 343 na ang pandemic fatalities. Habang 133 ang nadagdag na confirmed cases, at sa kabuuan ay 10,075 na ang positive cases sa lungsod, 1,147 dito ang active cases.
Umabot naman sa 201 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at 8,585 na ang recovered patients ng siyudad. Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga kumpirmadong kaso sa Barangay Hulong Duhat dahil napag-alamang ang ilan sa mga ito ay taga-Valenzuela. Mula 347 ay magiging 342 na lamang ang mga kumpirmadong kaso sa Barangay Hulong Duhat.
Mababawasan din ang mga kumpirmadong kaso sa Barangay Panghulo dahil napag-alamang isa ang taga-Barangay Santulan. Mula 375 ay magiging 374 na lamang ang mga kumpirmadong kaso sa Barangay Panghulo. (ALAIN AJERO)
302 