HINDI nagkakaisa ang mga alkalde sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area sa maagang pagpapaturok ng bakuna.
Nabatid na dalawang alkalde na sa nasabing area ang nagpabakuna laban sa COVID-19 habang isa ang hindi pa pwedeng bakunahan at isa ang magpapaturok umano ng Sinovac kahit labag sa kanyang kalooban.
Sinabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na hindi siya nag-aaalala sa bisa ng bakuna ng Sinovac na gawa ng Tsina ngunit tila kabuntot nito ang isyu ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa alkalde, bagama’t tila isang pagpapababa sa sarili, magpapabakuna siya ng Sinovac para patunayan sa nasasakupan na ito ay ligtas.
Kaugnay nito, nagsimula nang mamahagi ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng ayudang pinansyal sa mga apektado ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ). Batay sa payroll para sa Bayanihan 1 Social Amelioration Program (SAP), ang lungsod ay mayroong 27,905 benepisyaryo.
Ang masterlist para sa ibang beneficiary groups kabilang ang waitlisted para sa SAP, solo parents, persons with disability, at iba pa ay isinailalim muna sa deduplication.
Samantala, si Caloocan City Mayor Oca Malapitan ay nabakunahan na ng AstraZeneca nang buksan ito para sa seniors sa nasabing lungsod.
Binakunahan ang alkalde, anim na araw bago payagan ang Metro Manila mayors na magpabakuna laban sa pandemya.
Pinayagan si Malapitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na magpabakuna dahil siya ay isa nang senior citizen at nabibilang sa A-2 category na pangalawa sa frontliners sa priority list for vaccination.
Nagpabakuna na rin ng Sinovac si Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela.
Nabatid namang si Malabon City Mayor Antolin Oreta III ay maaari lamang umanong mabakunahan tatlong buwan matapos itong gumaling sa COVID-19. Nagpositibo sa virus si Oreta noong huling bahagi ng Marso. (ALAIN AJERO)
1098 