Sangkot sa kidnapping, arson ASG HARDCORE MEMBER ARESTADO SA PNP-AKG

ARESTADO sa mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang hardcore member ng Abu Sayyaf Group sa Sulu dahil sa kasong 25 counts ng arson.

Kinilala ni P/BGen. Estomo ang suspek na si Berhamin Ellih alyas Berhamin Hamad.

Ang suspek ay nadakip noong Linggo, Abril 11, dakong ala-1:00 ng madaling araw sa Sitio Tando Gusuh, Brgy. Capual, Omar, Sulu.

Ang suspek ay inaresto para sa 25 counts ng arson sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni H. Betlee-Ian J. Barraquias, presiding judge ng Branch 5, 9th Judicial Region, Jolo, Sulu.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek.

Inaresto ang suspek ng mga operatiba sa pangunguna ni P/Maj. Jerry M. Alvarez sa ilalim ni P/Col. Clarence C. Gomeyac ng Mindanao Field Unit, sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng CIDG Sulu PFU9, 904th MLB, RPSB9, 4th MCIC, MCBn PMC, RIU9, S2 4th Marine Brigade, CIC CL-794 Group 2, Omar MPS, Sulu at Sulu PPO.

Napag-alaman, ang suspek ay sangkot sa pagsunog sa ilang kabahayan sa Sitio Bait-Bait, Brgy. Lahing-Lahing, Omar, Jolo, Sulu noong Agosto 4, 2016.

Napag-alaman sa intelligence reports, ang suspek ay hardcore member ng ASG KFRG sa ilalim ng napaslang na si ASG Sub-leader Alhabsi Misaya, na nag-o-operate sa mga munisipalidad ng Indanan at Patikul sa Sulu.

Bukod dito, sangkot din umano ang suspek sa ilang kidnapping cases kabilang ang pagdukot sa limang Indonesian nationals sa Malaysia sa pagitan ng Tambisan waters at Lahad Datu noong Enero 15, 2020.

Gayundin sa insidente ng kidnapping sa Sipadan, Palau, Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000, na nagsilbi itong group spotter at boat operator.

Samantala, noong Marso 21, 2021, naaresto ng PNP-AKG team ang close-in associates ng suspek na sina Suhud Salasim alyas Ben Wagas, at Injimar Mangkabong alyas Injimal/Inji.

Ang dalawa ay sangkot din umano sa serye ng kidnapping sa ZAMBASULTA area. (JESSE KABEL)

358

Related posts

Leave a Comment