QUEZON – Patay ang isang retiradong miyembro ng Philippine Army matapos na umano ay manlaban sa mga pulis na maghahain ng warrant of arrest sa isa namang miyembro ng rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Tagkawayan, sa lalawigang ito, noong Lingggo ng gabi.
Kinilala ng Tagkawayan Police ang napatay na si retired MSgt. Junard Fajardo Enclona, may mga alyas na Jun, Ka Samuel, Guerrero, Ka Jorge, Bermas, Ka Dorres Olaguer at Ka Alfie.
Batay sa report, nangyari ang insidente sa bahay ng biktima sa Barangay Bagong Silang nang magtungo sa lugar ang mga operatiba ng CamNorte PPO PRO5 PRO-4A RSOU-RID4A, Tagkawayan PNP at mga tauhan ng Philippine Army para arestuhin ang isang Carlito Apigo na may standing warrant of arrest sa kasong murder.
Ngunit pinaputukan umano ng dating sundalo ang mga operatiba kaya nauwi sa engkwentro na ikinamatay ng dating army.
Nakatakas naman umano ang target ng operasyon na si Apigo.
Ngunit ayon sa live-in partner ni Enclona na si Mae Mendez, pwersahang pinasok ng mga pulis ang kanilang inuupahang bahay.
Wala raw ipinakitang search warrant o arrest warrant ang mga pulis at wala rin naman doon ang sinasabing si Apigo.
Dinala daw sa labas ng bahay si Enclona at pagkaraan ay nakarinig siya ng ilang putok ng baril.
Bago binaril, sinabihan umano ng mga pulis ang biktima na collector ito ng NPA na ipinagtaka ni Mendez dahil dati umanong sundalo si Enclona at palagi silang nagpupunta sa mga kampo ng sundalo.
Nagtataka rin si Mendez kung saan nanggaling ang baril ng kinakasama na sinasabi ng mga pulis na nakuha kay Fajardo. (NILOU DEL CARMEN)
283 