HINDI pa ibinabalik sa normal ang trabaho sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan.
Base sa ibinabang memorandum ni House Sec. Gen. Mark Llandro Mendoza, mananatili pa rin ang 2-3 days skeletal workforce sa ilang tanggapan mula Abril 12 hanggang Abril 28 sa Kamara.
“Please be advice that regular work operations shall resume on Monday, 03 May 2021, to ensure the safety of the House of Representatives’ official and employees from the continuous spread of COVID-19 virus in National Capital Region,” ayon sa memorandum ni Mendoza noong Abril 10.
Ang tanging pinayagang tanggapan na bukas ngunit limitado ang empleyadong papasukin ay ang Office of the Secretary General, Administrative Department, Engineering and Physical Facilities Department, Finance Department, Legislative Operations Department, Legislative Security Bureau at Information and Communication Technology Service.
Sa kasalukuyan ay nakabakasyon ang Kongreso at nakatakdang bumalik ang regular na sesyon sa Mayo 17, 2021.
Subalit bago manalasa ang COVID-19 sa bansa, kahit nakabakasyon ang Kongreso ay tuloy ang trabaho ng mga empleyado ng Kapulungan at maging sa tanggapan ng mga mambabatas.
Inatasan naman ni Mendoza ang Medical and Dental Service na patuloy na magsagawa ng antigen test sa mga empleyado ng mga nabanggit na departamento na kailangang pumasok ng tatlong beses isang linggo upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Ang Kamara ang isa sa mga tanggapan sa gobyerno na hindi nakaligtas sa COVID-19 kung saan ilang empleyado na ang nasawi kabilang ang dalawang mambabatas.
Hanggang nitong Lunes ay wala pang update ang tanggapan ni Mendoza kung ilan na ang COVID-19 active cases sa Kamara.
Subalit kumalat ang impormasyon sa Kamara na dalawa pang empleyado ng Kapulungan ang pumanaw na kinabibilangan ng isang lalaki at isang babae. (BERNARD TAGUINOD)
202 