ANGAT ANG EKONOMIYA KUNG 6.5% ANG GDP

LUBOS na naniniwala ang mga ekonomista ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa pangunguna ng pansamantalang pinuno nito na si Karl Kendrick Chua, na aangat ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2021.

Ang eksaktong tudla ng NEDA ay 6.5 porsiyentong Gross Domestic Product (GDP) ang makakamit na pag-angat sa ekonomiya ng bansa.

Walang dudang angat ang ekonomiya ng ating bansa kung makamit ang 6.5% GDP dahil napakalayo ito mula sa negatibong higit siyam na porsiyentong GDP noong 2020.

Ang negatibong higit 9% na GDP ay siyang pinakamasahol mula noong 1946, taon kung saan unang nangalap ng datos ang pamahalaan upang masukat ang antas ng ekonomiya ng bansa, sa pamamagitan ng GDP.

GDP ang ginagamit na panukat sa pag-unlad at pag-angat ng ekonomiya sa napakaraming bansa sa mundo, kundi man lahat.

Ang tanong: “Totoo bang maunlad at angat ang ekonomiya kapag 6.5% ang GDP ng bansa?”

Ang totoo, hindi!

Alam ninyo kung bakit?

Hindi kasi lahat ng ginagawang “economic activities” ng mga negosyante at mamamayan sa iba’t ibang industriya at sektor ay nakatala, o naitatala sa pamahalaan.

Halimbawa, ang mga nagtitinda ng baboy, manok, gulay at prutas sa mga pampublikong palengke ay hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Internal Revenue (BIR), samantalang bilyun-bilyon ang kita ng mga nasabing negosyo.

Pokaragat na ‘yan!

Dahil hindi rehistrado, walang pumapasok sa BIR na buwis mula sa kita ng bawat negosyante sa industriya ng baboy, manok, isda, gulay at prutas.

Napakarami ring traysikel sa lahat ng panig ng bansa, ngunit walang may-ari ng mga traysikel at drayber nito ang nagbabayad ng buwis sa mga pamahalaang lokal.

Hindi rin pasok sa listahan ng pamahalaan ang mga nagnenegosyo at yumayaman mula sa smuggling ng bigas, sigarilyo, baboy, manok, sibuyas, bawang, galunggong at iba pa.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi rehistrado sa BIR at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang jueteng, tupada (ilegal na sabong), online sabong at iba pang iligal na sugal na nagaganap sa maraming panig ng bansa.

Hindi biro ang kita ng mga jueteng lord dahil mayroong lingguhang tara ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga pamahalaang lokal sa lalawigan hanggang lungsod hanggang munisipalidad.

Pokaragat na ‘yan!

Ilan lang ‘yan sa mga negosyong napakarami ang naitutulong sa paggalaw, pag-unlad at pag-angat ng ekonomiya ng bansa, ngunit hindi kasama sa GDP.

Ngunit, huwag kalimutang hindi lang ngayong si Rodrigo Duterte ang pangulo ng bansa naganap ang mga iligal na negosyong nabanggit ko, kundi noon pa man.

Ang kahulugan ng GDP ay kabuuang halaga ng mga nagawang produkto at inialok na mga serbisyo sa isang takdang panahon (taon, o kwarter sa buong taon).

Kaya, kahit ideklara ng NEDA na sobrang baba ng GDP ng Pilipinas sa isang takdang panahon tulad ng ginawa noong nakaraang taon ay mahirap paniwalaang sobrang bagsak ang ekonomiya.

Ito’y dahil patuloy na guma galaw ang ekonomiya ng ating bansa.

Dumidiskarte ang maraming Pilipino upang makakain, mabili ang bagay na kailangang-kailangan nila sa araw-araw at upang sila ay mabuhay.

Kung makamit ang 6.5% na GDP ngayong 2021, hindi nangangahulugang angat ang ekonomiya ng ating bansa.

Maaaring sabihing naka galaw nang maluwag ang maraming negosyante upang makagawa ng maraming produkto at makapag-alok ng samu’t saring serbisyo sa mamamayan habang patuloy na nananalasa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), kaya maaabot ang GDP na 6.5%.

239

Related posts

Leave a Comment